Photobucket


Destiny is for losers. It's just a stupid excuse for waiting for things to happen instead of making them happen

-- Blair Warldorf, Gossip Girl

Friday, July 17, 2009

Have you ever felt the same? (CHAPTER 7: “RENDEZVOUS”)

(AKO SI DESTINY 2)
Have you ever felt the same?

By: PAULKIAN
http://paulkian.blogspot.com/

“Never ask someone out while he’s on a date with someone else. Never ask someone out while you’re on a date with someone else…”
-Steven Petrow


CHAPTER 7: “RENDEZVOUS”



Nagising ako sa hampas ng liwanag mula sa aking bintana. Tulad ng nakagawian, cellphone ang una kong sinulyapan. Alas-diyes na pala ng umaga. Nakakatamad pang bumangon kaya naman nagpamuni-muni muna ako sa aking kama. Nilasap ko ang bawat sandaling nakahiga ako sa isang malambot na kutson. Binasa ko ang bawat forwarded quotes na nagmula sa iba’t-ibang kaibigan. Tulad ng dati, dinelete kong lahat ng iyon maliban lamang sa isa na nagmula sa isang unknown sender:

“Sometyms, some1 cumz along & make u forget sum1 else… Remember: they’re not better, they’re juz different…”

Niyakap ko ang aking unan na “life size” ang laki. Niyakap ko siya ng sobrang higpit habang nagbibingi-bingihan ako sa mga naririnig kong boses mula sa labas.

“Masyadong maingay yata ang umagang ito…” bulong ko sa sarili ko habang pinagiisipan kung tatayo na ba ako o mananatiling nakahilata.

Pinakiramdaman ko ang aking sariling ulirat. Hindi naman na ako masyadong inaantok. Binilang ko sa aking daliri ang oras ng aking tulog… 8 hours… Aba! Okey na okey na yan sa isang tulad kong callboy (call center agent). Dahan-dahan akong bumangon. Hinarap ko ang salaming nakasabit sa pader. Pinagmasdan ko ang aking sarili. Mukhang haggard. Pinuna ko rin ang mga nagpapapansing eyebags ko. At bago pa ako mairita sa mukha ko kinuha ko na ang tuwalya at tuluyan nang lumabas ng kwarto.


Tumambad sa akin si Inay kasama si ka Mila. Si ka Mila yung pinagkukunan ng panindang mga plastic cups, styro, paper plates, at kung anu-ano pang kaplastikang tinitinda ni nanay sa palengke. Kung tatantiyahin siguro nasa early 60’s na ang matanda. Mukhang may bago na naman yatang business proposal itong si Ka Mila. Mukhang iba na ang linya niya ngayon. Nakakawindang kasi ang malalaking kahong dala niya. mistulang ukay-ukay! Ngumiti ako sa kanya bilang paggalang habang nakayukong dumaan sa gitna ng salas. Dumiretso ako sa lababo upang makapaghilamos at toothbrush na rin.

“Ang gwapo talaga ng anak mo Lina…” parang naglalanding sambit ni ka Mila sa aking ina.

“Ay oo, gwapo talaga yan!”

“bute, hindi pa nagaasawa?”

Natawa lang si nanay sa tanong ni ka Mila. Siguro napaisip din siya kung ano ang isasagot niya. At saka teka, hindi pa naman ako ganun katanda para usisain ang pag-aasawa ko. Pakilamerang matanda…Tsk! Tsk!

“Yung apo ko ngang yang si Russel hanggang ngayon wala paring girlfriend…”

Russel? Napakagat ako sa bristles ng sipilyo ko. Si Russel apo ni ka Mila?

“Ba’t ba nandiyan sa terrace yang apo mo ka Mila, papasukin mo nga dito para makainom man lang ng juice…”

“Oi Russel halika nga rine, uminom ka raw ng juice sabi ni ka Lina…” ani ng matanda habang hinahatak papasok ang apo niya.

Inabangan ko ang papasok na si “Russel”. Si Russel ba siya na kakilala ko o isa lamang katukayo at impostor? Nakalimutan ko na ngang nagsisispilyo pala ako kaya para akong naka-freeze habang slow motion namang pumapasok ang mag-lola.

Muling nagtama ang mga mata namin. Sa pagkakataong ito nakangiti na siya. Mula sa labas ng bintana nakita kong sumayaw ang mga sanga ng puno ng caimito. Naglaglagan din ang mga tuyong dahon nito. Si Russel na kasama ko kagabi at ang apo ni ka Mila ay iisa lang pala.

Narinig ko ang pag-apaw ng tubig sa basong pinupuno ko. Bigla akong natauhan mula sa pagkaka-bato-balani sa kanyang mga mata. Nagising din ako sa sigaw ni inay na: “Luis! Yung gripo!” At bigla akong nakaramdam ng hiya dahil sa itsura ko na bagong gising at mukhang nai-standed pa sa banig. Nagtuloy-tuloy na ako sa banyo at napaligo ng ‘di oras.

“Shit! nakakahiya…” bulong ko sa sarili ko.

“Small world ang putah…” muli kong binulong sa nababaliw kong sarili.

Sinubukan kong ikubli ang aking kahihiyan sa loob ng banyo. Halos isang oras akong naligo para lamang mapalipas ang oras, upang paglabas ko ay wala na ang mag-lola. Ngunit sadyang tukso ang mahabang kwentuhan nina nanay at ni ka Mila. Kaya naman napilitan akong lumabas ng palikuran bago pa mangulubot ang balat ko sa buong katawan.

Nakatapis ako ng tuwalya na dumaan sa harapan nila. Wala akong choice dahil yun lang ang natatanging daan papunta sa kwarto ko. Muli akong ngumiti kay ka Mila tanda muli ng paggalang. Si Russel? Hindi ko siya tiningnan. Medyo nailang kasi ako dahil nakatitig siya sa’kin. Pero pumusyaw ang pagiging mestiso niya sa suot niyang kulay pulang t-shirt na talaga namang bumagay sa checkered na brown niyang shorts.

Napatawa ako ng bahagya pagkapasok ko sa aking silid. Maliit lang talaga ang mundo. Magugulat ka na lang na kilala niya pala ang kakilala mo. Magugulat ka na lang na magkadugsong pala ang buhay ninyo.

Tinanggal ko ang nakatapis na tuwalya sa’kin. Bumulaga ang hubo’t-hubad kong katawan sa malayang apat na sulok ng silid. Muli akong sumalampak sa kama. Pinagmasdan ko ang kisame na puno ng glow in the dark stickers. Iba’t-ibang hugis at korte. Ngunit may iisang nagagawa tuwing gabi, ang makapagbigay ng liwanag kahit isang huwad at panandalian lamang. Biglang rumehistro sa’kin ang mukha ni Russel. Ang ngiti niyang parang acetone na nakakatunaw ng cutex sa kuko. At ang mga sumunod kong ginawa ay isang kasaysayang nagdulot sa’king katawan upang manlambot.

“first time kong gawin ‘to habang iniisip kita…” kumpisal ko sa aking sarili.

Walang dahilan upang magtago at umiwas. Kung meron man akong isang bagay na natutunan sa nakaraan ay yung harapin ang lahat kinatatakutan. Teka, hindi naman ako natatakot sa kanya, nahihiya lang. Kaya naman pagkatapos kong ayusin at bihisan ng matino ang aking sarili humarap ako sa aming mga bisita. At saka baka isipin ni Russel na hindi ko man lang siya in-entertain habang naroroon siya. Ayaw kong mabansagan ng “snob” noh!

Sa pagkakataong ito tumingin na ako sa kanya ng diretso. Nginitian niya ulit ako ng walang ka-effort effort. Ewan ko ba pero parang may kung ano sa ngiti niya na wala sa iba. At bilang sukli, hindi ko rin pinagdamot ang aking ngiti.

“Oh anak sige na mamili ka na dito ng magugustuhan mo, bago ko ‘to dalhin sa palengke…” sabi ni nanay habang inilalabas ang mga t-shirt na dala ni ka Mila.

Sabi ko na nga ba’t iba na ang mga kumikitang kabuhayan ngayon ni ka Mila. Puro mga t-shirt na at mga blouse na galing pa daw sa Bangkok. Nahiya naman akong mangalkal at mamili ng damit sa harap ni Russel. Ewan ko ba kung bakit puno ng kahihiyan ang sarili ko ngayon. Kaya naman para hindi halata sinabi ko na lang kay Inay na:

“Sige po, mamaya na lang…”

“Kay ka Mila ko rin binili yung t-shirt na binigay ko sa’yo…” dagdag ni ina

“yung pink???”

“oo… yung penk”

Napatingin ako kay Russel na kasalukuyang nakaupo sa ledge ng aming terrace. Busy siya sa paginom ng juice. Napatingin din ako sa lola niya. Tinawanan niya lang din ako kahit halatang wala na siyang pustiso. Naisip kong bigla, kaya pala may kawangis akong damit na tulad ng kay Russel. Kaya pala…


Tinungo ko ang aming terasa. Ang aming terasa na biglang tumingkad. Umupo ako sa tabi niya at sinimulan kong mangamusta.

“Lola mo pala siya noh?”

Natawa lang siya sa sinabi ko. Hindi ko alam kung ano na naman ang pahiwatig niya dun. Hindi naman nakakapikon pero parang mas malalim pa kaysa sa inaasahan. Mas malalim pa sa mga kilos niya kagabi.

“matagal na naming kilala yang si ka Mila… bata pa lang ako diyan na kumukuha si nanay ng mga paninda…” dagdag ko.

Nanatiling tahimik ang katabi kong binata. Kailangan ko pa bang mag-build ng rapport? Bakit parang ang hirap niyang arukin at abutin? Bakit parang sa tuwing lalapit ako sa kanya bigla siyang tatakbo palayo?

“tama na nga ang effort…” dikta ng utak ko.

Ibinaba ko ang aking mga paa mula sa pagkakapatong sa ledge ng aming terasa. Nais ko nang tumayo at kumain na lang ng brunch. Sa pagmamadali kong makaalis sa tabi ng lalaking wala yatang bibig. Halos ma-out of balance na ako.

“Shiiiiiiiiiiit!!!!!”

At dahil siya lang ang natatanging tao sa tabi ko sa kanya ako napakapit ng mahigpit para hindi tuluyang mahulog at mabagok ang ulo ko sa semento.

Nagulat si Russel sa pag-freak-out ko. Muntik nang magka-untugan ang mga noo naming sa sobrang pagkakalapit. Parang may isang boltahe na nag-ugnay sa kanyang mga mata patungo mula sa aking balintataw.

“Ayan kase, pwede naman magdahan-dahan… pa’no kung wala ako dito? Eh ‘di walang sasagip sa’yo…”

Napagalitan pa ako. Napabuntong-hiniga ako sa isang katangahan. Oo, isa na namang katangahan. Tama siya. Hindi kasi ako maingat kaya anytime pwede akong mahulog. Oo nga noh? Paano kung wala siya sa tabi ko? Sino sasalo sa’kin? Malamang wala, kaya asahan ko nang mababagok ang ulo ko sa sahig.

“Oh ano? Okay ka lang ba?” tanong niya sa’kin habang inaayos niya ang nagusot niyang t-shirt.

“Oo , salamat ah? Buti na lang naagapan mo kong hawakan…”

“Siyempre noh? Hahayaan ba naman kitang mahulog diyan? Hehehe”

Parang isang musika sa aking tainga ang tawa ni Russel. Ang sarap niya siguro katawanan at kabatuhan ng mga korning jokes. Ang sarap niya siguro kasama habang nanood ng Manay Po part 1 & 2.

Hindi natinag sina nanay at ka Mila mula sa salas. Patuloy pa rin ang balitaktakan nila. Para ngang hindi nila napansin ang komosyon namin ni Russel sa labas. Nag-umpisa muli maging detalyado ang bawat galaw niya. Kinuha ang baso. Uminom. Inilapag sa gilid. At muling tumanaw sa puno ng caimito. Siguro 10 minuto niyang paulit-ulit na ginagawa iyon. At ako naman? Pinanonood lamang siya. Nagbabaka-sakaling…(sigh) ah wala. Wala yun…

Pinunit niya ang tinahi niyang katahimikan. Nagsimula siyang humarap sa akin. Isang senyales na handa na siya makipag-usap.

“Gusto kong pumunta ng EK ngayong week na’to…” bulalas niya.

“Enchanted Kingdom?”

“Oo! Gusto mo ko samahan?”

Biglang umandar ang oras ng decision making. Gusto ko ba daw siyang samahan?

“sinu-sino tayo?”

“tayo lang dalawa… okay lang ba sa’yo?”

Kailangan ko pa bang magpakipot? Kailangan ko pa bang sabihing hindi pa ako sure kung ang totoo naman ay gusto ko naman talaga?

“itapat natin sa off ko…okay lang ba?” tanong ko sa kanya.

Isang ganadong tango ang sagot niya sa akin. Sa darating na biyernes na ang off ko. Ilang tulog na lang yun…

May mga kung anu-anong katanungan na naman ang gumulo sa isip ko. Nais kong bigyan ng kahulugan ang paanyaya niya. Nais kong bigyan ng dahilan ang mga iyon. Pero naisip ko rin na nagsisimula na naman akong mag-assume ng mga bagay-bagay. Ayaw ko na ng ganun. Sa pagkakaalam ko naiwaksi ko na ang ganung pag-uugali kasi ako rin naman ang nasasaktan sa huli.

Hindi ko maiwasan talagang mag-usisa:

“Bakit mo gustong mag-EK?”

Wrong timing ang pag-labas ng lola ni Russel kasabay ng aking butihing ina. Na-interupt ang nagsisimula pa lamang naming usapan. Nagyaya nang umuwi si Ka Mila sa kanyang apo. Kaya naman tumayo na rin siya mula sa pagkakaupo. Bago siya tuluyang umalis bumulong siya sa’kin ng bahagya.

“sa Friday ah? Sunduin kita dito mga 9am…”

Bigla akong kinilabutan sa bulong niya . Ang hanging hatid mula sa kanyang bibig patungo sa aking tainga ay nagpakilig sa’kin. Tapos, susunduin niya pa ako. Haaay! talaga naman!

Hinatid sila ni nanay sa labas. Natanaw ko ang kulay navy blue na van na sasakyan nilang maglola. Iyon din ang van na nakita ko nung unang paghaharap namin ni Russel sa memorial. Si Russel ang driver. Nakakatuwa naman.

Pagkasara ni inay ng gate inintriga niya akong bigla:

“Close na kagad kayo nung apo ni ka Mila?”

“Nay, kaibigan ko po yung si Russel… nagulat nga ako kasi lola niya pala si ka Mila.”


“Ka-ibigan? Hmmm… ang gwapo nung Russel noh?” sabay talikod ng intregera kong ina.

Oo nga gwapo siya talaga. Yung kagwapuhan na talagang lilingunin mo talaga. Iba talaga ang ang mala-anghel niyang mukha. Madedemonyo ka talaga.

Kinuha ko ang walis ting-ting mula sa likod bahay. Napag-tripan kong walisin ang mga tuyong dahon na nalaglag mula sa matayog na puno. Ba’t ba nalalagas ito? Pinagtiyagaan kong walisin ang bawat dahon. Akala ko nga kaunti lang, marami pa lang nagkalat at kumubli lang sa silong.

Pawisan akong umupo sa lilim ng puno. Nakadagdag pa sa init ang tirik na tirik na araw ng katanghalian. Maya-maya lamang ay may isang kotse ang huminto sa harapan ng bahay namin. Kulay itim na Honda Civic yun.


Mula sa kotse bumaba ang nagmamaganda kong kapatid na si Lara. Nagmamadaling tinungo ni Lara ang gate. Ayaw niya talagang maarawan.

“Kuya! Nandiyan ka pala… may bisita ka!” entrada ni Lara.

“Bisita?”

“oo kuya, si Sir Mark…”


“Sir Mark???”

“Kuya si Sir Mark Andrei! Yung kapatid ni Ate Jhen… hindi mo naman nakwento sa’kin na kaibigan mo pala siya…”

At kailan ko pa naging kaibigan yun???

Parang umurong ang tumatagaktak kong pawis. Napatulala ako sa kotse na nakaparada sa tapat ng bahay namin. Ano ba ‘to!

“Kuya buksan mo ‘tong gate dali at nasusunog na mukha ko…”

“at natatae na ako…” dagdag na bulong ni Lara.

Ibinaba ang wind shield ng kanyang kotse. Dumungaw siya. Oo nga si Andrei nga. Tuluyan na akong lumabas ng gate upang harapin ang hindi ko inaasahang buwisita.

“anong ginagawa mo dito?”

“haller? Obvious ba? Hinatid ko kapatid mo… pupuntahan naman kasi talaga kita kaya isinabay ko na siya…” nakakalokong sagot niya sa’kin.

“ang kapal ng mukha mo!”

“ui, wag namang ganyan… wala naman akong ginagawang masama…promise, I didn’t tell her…”

“ano bang kailangan mo sa’kin? Ba’t ba kasi ang kulit-kulit mo?”


“Well, ganito ako eh… sa Friday ang off mo diba? Lara told me… kaya kung pwede ka sunduin kita dito sa inyo, alis tayo… my treat!”

“i-treat mo ang mukha mo!” sabay walk-out at pasok sa loob ng bahay namin.

Nagtuloy-tuloy na akong pumasok sa loob ng bahay. Hindi ko inaasahan na muli kong makikita yung Andrei na iyon. Parang nanadya siya. Talagang nang-iinis. Kapag ba may nais kang makuha o may gustong-gusto ka, ganun ka ba dapat ka-desperado kahit ni-rereject ka na nung taong gusto mo? Kailangan ba subukan lahat at ‘wag sumuko kasi kapag sumuko ka hindi mo malalaman kung may pag-asa ba o wala? Sabi nila at least nasubukan mo kaysa tumanga ka lang at hinayaan mo ang pagkakataong palampasin. Tapos sa bandang huli pagsisissihan mo kasi dapat yun ang ginawa mo.

Pilit kong inuunawa si Andrei kasi ayaw kong dumating ang point na talagang kamuhian ko siya. Siguro, hindi lang naging maganda ang umpisang pakikitungo niya sa’kin kaya ganito na lang din ako sa kanya.

Nag-set ako ng mind ko. Sa Friday, susunduin ako ni Russel. Sasamahan ko siya. Take note: “nagpapasama lang siya…”



---itutuloy

NEXT

Read more...

1 komento:

Anonymous,  July 19, 2009 at 4:39 AM  

hi, i like your writing style. hope you can visit my blog too
www.daldalkana.weebly.com


Supports:

Community & Groups - Top Blogs Philippines


This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.
These are works of fiction. Names, characters, places and incidents are either the product of my imagination or are used fictitiously, and any resemblance to actual persons, living or dead, business establishments, events, or locales are purely coincidental. All photos are not taken by me unless otherwise noted. They all came from different sources such as Google Images and several free photo sharing websites and forums. If any particular set of photos belong to you and you wish for either credit or removal of photos E-Mail me at paul_kian@yahoo.com.

© 2008-2015 ANG MGA KWENTO NI PAULKIAN
Designed by: Ourblogtemplates.com| DISCLAIMER | e-mail/YM

My Home Page has been viewed
Web Page Counter
since June, 2008

Creative Commons License

  © Blogger templates The Professional Template by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP