Photobucket


Destiny is for losers. It's just a stupid excuse for waiting for things to happen instead of making them happen

-- Blair Warldorf, Gossip Girl

Tuesday, June 02, 2015

THE FINAL HEARTBEAT (CHAPTER 1: “SKEPTICISM”)






(AKO SI DESTINY 3)
the final heartbeat
By: PAULKIAN
http://paulkian.blogspot.com/



CHAPTER 1: “SKEPTICISM 



“Hintayin mo ako Lance, apat na taon lang akong mawawala… Sa pagbabalik ko magiging maayos na ulit ang lahat…ipangako mo sa akin ha? Hihintayin mo ako… hindi kita ipagpapalit. Makakaasa ba akong may babalikan ako dito?”

“Promise po… Promise! Maghihintay ako… Pangako ‘yan…”


Pinabaunan ko siya ng isang pangako. Dadalhin niya iyon sa Dubai at makakaasa siyang tutuparin ko ang aming napagkasunduan. Kahit anong mangyari. Kahit ilang bansa at kultura ang nakapagitan sa amin. Alam ko dadating ang araw na muli kaming magkakasama upang dugtungan ang aming nasimulan.

“Anghel ko, babalikan kita… Antayin mo lang ako.”

Kung alam lang niya na siya ang tunay na anghel na nagbigay sa akin ng tunay na kahulugan ng langit. Siya ang anghel na nagpakulay muli sa dating black and white kong puso. Ang puso kong patuloy na titibok dahil sa kanya… Para sa kanya.

Biruin mo ‘yun? Apat na taon daw. Kung tutuusin masyadong matagal. Marami ang puwedeng mangyari sa loob ng apat na taon. Ngunit hindi naging balakid iyon. Hindi siya naging dahilan upang isuko na lang ng basta-basta ang nasimulan namin ni Russel. Iyon ang naging simula nang panibagong yugto sa buhay ko. Isang kwentong alam ko sa karamihan ay isang ordinaryong “boy meets boy” lang ang eksena. Ngunit para sa akin, isa itong alamat. Alamat na naging makatotohanan sa tulong ng tunay na nararamdaman at paniniwala.




****



Sabi nga nila, only change is permanent in this world. Kahit sabihin pa nating walang magbabago, sa patuloy na pagikot ng oras at walang tigil na pagpalit ng araw at buwan, hindi natin namamalayan na nagiiba na ang lahat ng nasa paligid natin. Iyan ang isa sa mga realidad na minsan hindi natin masyadong napapansin dahil sadyang abala tayo sa kung anong meron sa ngayon. Nakakaligtaan natin na lumilipas ang panahon. Nagpapalit tayo ng kalendaryo. Tumatanda ang mga tao. Nagiiba nang pananaw at paniniwala. May nagpapaalam. May bumabalik. May yumayao. May nauulila. May pumapalit.

Ngunit sa kabila nang lahat ng pagbabago sa buhay ko, isa lang yata ang hindi natinag. 

“Hindi mo alam kung gaano ako nagpapasalamat sa Taong lumikha ng lahat. Hindi mo alam kung paano ko ipaparamdam sa’yo na simula nang dumating ka sa buhay ko, muli ako naniwala. Binago mo ang puso kong dating hindi naniniwala sa tadhana… Nagsimula ako muling magtiwala. Sa kabila ng sakit na naramdaman ko noon, pinalitan mo lahat ng tamis at ligayang walang kapantay at hindi matatawaran. Binago mo kasi ang pananaw ko na lahat ng taong mahal ko ay iniiwan lang ako. Alam mo ‘yun? binuksan mo ang puso kong dati hindi makapag-let go sa nakaraan. Pinakita mo sa akin na sa kabila ng mga hindi magandang nangyari sa buhay ko, nariyan ka at handa akong damayan sa kung ano mang mga napagdanan ko at sa mga kakaharapin ko pa sa mga susunod na kabanata ng buhay ko. Sinuportahan mo ako sa lahat ng laban ng buhay ko”

Si Russel. Siya ang tao sa likod na matagumpay na si Lance. Siya ang naging sandigan ko upang malagpasan lahat ng pagsubok na pinagdaanan ko sa loob ng apat na taong malayo kami sa isa’t-isa.  
Subalit hindi sa lahat ng pagkakataon ay puro ngiti at naguumapaw na pag-ibig ang dadanasin. 

“Tama na Russel, itigil na natin ‘to, wala naman nang patutunguan ‘to eh…”

“… huwag mo ako iiwan please? Hindi ko ma-imagine ang buhay ko na wala ka. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kapag nawala ka pa. Handa akong ibigin ka hanggang sa huling hininga ko. Buong tapang ko ipaglalaban ang relasyong ito.  pagmamakawa niya sa akin.

“Paano? Eh ni hindi nga kita mayakap man lang. Ni hindi man lang kita mahalikan. Hindi kasi sapat na mahal natin ang isa’t-isa eh. Kailangan kita…”

“Halos araw-araw naman tayong magka-chat ah? Hindi ba sapat sa iyo ‘yun? Diyos ko naman Lance.”

“Hindi mo ba nararamdaman? O sadyang manhid ka lang? Kailangan ko ng presence mo. Yung pisikal na ikaw at hindi yung nasa monitor at telepono lang palagi…”

Katahimikan… Katahimikang ramdam ang pait at sakit. “I’m sorry Anghel ko…” mahinahong sinambit niya sa kabila ng pagtaas ko ng boses.

Isang tipikal na Long Distance Relationship. Iyan ang pinakaperpektong deskripsyon ng relasyon naming dalawa. Tiis at unawa ang pinuhunan namin dahil alam naming pareho na darating ang araw na magkakasama na kami upang gawing konkreto lahat ng aming mga pangarap at mga plano namin sa buhay. Kahit mahirap. Kahit minsan nasasaktan na ako. Kailangan ko parin maging matatag. Kailangan kong tuparin ang mga naipangako ko. Kasi sabi nila kung talagang mahal mo ang isang tao, matututo kang maghintay. Hindi ka maiinip. Hindi ka mangangamba. Pero minsan masusubok ang iyong pasensya. Hanggang kailan? Hanggang saan? Gaano katagal? Putang-ina!

“Sabi mo kasi  sa’kin apat na taon ka lang… Pero bakit dalawang taon pa bago ka ulit makakauwi?”

Sa totoo lang hindi ko siya maunawaan. O baka naging sarado na ang isip ko sa mga paliwanag niya. 

“Hindi ko matanggihan ‘yung scholarship eh… Sayang naman kung diyan pa ako sa Pinas magma-Masters… Alam mo namang mas mahal diyan diba?”

Gusto kong isiping nagdadahilan lang siya. Gusto kong paniwalaang nagsisinungaling siya. Ang sama ko. Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito. 

“Oo alam kong mahal mag-aral dito… tapatin mo na nga ako. Sagutin mo nga ang tanong ko Russel, mahal mo pa ba ako?”

Tumahimik siya ng bahagya. Naramdaman ko na nagisip siya ng ilang segundo bago siya nakapag-react sa tanong na hindi niya inaasahan. Na-caught off guard yata siya dun.

“Lance? Ano bang klaseng tanong ‘yan…” balikwas niya sa akin.

“Bakit parang iba? May kakaiba… hindi ko ma-explain eh…”

“Walang kakaiba. Walang iba. Ikaw lang ang mahal ko at wala nang iba… Ikaw lang naman nagiisip niyan eh. Kaya please naman oh, hindi naman makakatulong sa relasyon natin ang paghihinala mo. At saka ang tagal na natin oh, ngayon ka pa ba susuko?”

Sapat bang maging dahilan ang katagalan ng relasyon upang hindi sumuko? Isa ba itong panghihinayang sa tagal ng pinagsamahan o panghihinayang sa pagmamahal na na-invest na kapag hinayaan ay masasayang lang?

Naging vocal ako sa kanya. Kilala niya ako sa pagiging tapat sa kung ano mang emosyon ang maramdaman ko.

“Nasasaktan kasi ako eh. Naiinggit din ako. Kasi yung mga kaibigan ko sa ospital napapakilala nila sa’kin yung mga boyfriend at girlfriend nila. Eh ako, naturingang nasa long term relationship kaso long distance naman…”

“Bakit mo kasi sila iniisip? Hindi ba sabi ko sa’yo hayaan mo lang sila… basta tayo may sarili tayong mga pangarap na bubuuin nating pareho paguwi ko… Basta maghintay ka lang…”

Hindi maipinta ang mukha ko nang umalis ako sa inuupahan kong apartment. Magsisimula na naman ang araw ko na wala akong gana. Tinahak ko ang daan papunta sa sakayan ng jeep. Ilang minuto lang ang biyahe papunta sa Sacred Heart Medical Center. Pero kahit hindi pa nagiinit ang puwet ko sa upuan ay parang ang tagal ko nang bumiyahe dahil lumilipad ang isip ko na parang humaharurot kasabay ng behikulong nasakyan ko. Pagbaba ko ng jeep, wala akong pagaatubiling dumiretso sa Emergency Room kung saan ako naka-toka para sa buong linggong ito. Walang pasyente. Kaya naman may kanya-kanyang pinagkakaabalahan ang mga tao sa loob. Sinalubong ako ni Jhen at may inaabot sa aking dalawang paper bag.
 
“My friend, nakabusangot na naman yang feslak mo, ano meron teh?”

“ As usual…” tipid kong sagot sa kanya habang hinahalungkat ang mga chart sa table. Inabot ni Jhen ang dalawang paper bag sa akin na hindi ko naaninag kung ano ang laman.

“Hay nako, tigilan  ako sa mga drama mong ‘yan ah… Yung kulay brown na paper bag sa akin galing’yan, nagpadala na naman kasi si kuya ng balikbayan box kaya ayan…”

Naalala ko na nasa Dubai rin pala ang Kuya ni Jhen kaya naman tinanong ko siya kung ilang taon ba ang pagma-Masters doon at kung magkano.

“Bakit may plano kang mag-Dubai beks?”  pagtatakang tanong ng kaibigan kong pakialamera.

“Wala ako balak sumunod doon… Nagsasawa na ako eh, lagi na lang ako naghihintay…” tugon ko sa kanya.

“I don’t know what’s happening baklita, pero If you want to live together, you first need to learn how to live apart… Alam mo ba’t ka nagkakaganyan?” Sabay tingin niya sa ikalawang paper bag na inabot niya sa akin.

Walang kupas si Jennifer. Buong kaluluwa ko yata nababasa niya maski hindi ako magsalita. 

“Bakit kasi hindi mo sabhin diyan sa manliligaw mo na wala siyang pagasa kasi may jowa ka na at tumigil-tigil siya sa pagbibigay niya sa’yo ng chocolates at baka magka-diabetes ka!”

“Wag ka ngang magduda. Hindi siya nanliligaw sa akin gaga…” defensive ko namang sagot sa kanya.

“I wasn’t born yesterday, I was born this way! Kaya huwag mo ako linlangin puta ka…”bulong naman niya sa akin habang papalayo sa station ko.

Iyan ang sarili kong multo. Takot na takot ako. Natatakot akong tanggapin na may isang taong nagpaparamdam sa akin na gusto ako. Natatakot ako na baka dumating ang point na makalimot ako. Nangangamba ako na baka dumating ang araw na mapatunayan ko sa sarili ko na hindi ganun katibay ang pundasyon ng pagmamahalan naming dalawa ni Russel dahil nagsimula kami sa isang long distance relationship. Na baka tuluyan na ako mahulog sa bitag nung isa at mas pillin ko ang taong araw-araw ko nakakasama kumpara sa taong hindi ko man lang mahawakan.

Bigla akong natauhan nang biglang may pamilyar na tinig ang umalingawngaw sa likod ko: “Nandito ka na pala..”

“Ah, oo kararating ko lang din naman…”

“Akala ko kasi hindi ka makakapasok ngayon diba masama pakiramdam mo kahapon? Kaya ipinaabot ko na lang yan kay Jhen…” habang nginunguso ang paper bag na puno ng chocolates.

Gwapo siya. Moreno. Naka-braces. Siguro mga nasa 5’8” ang taas niya at may kaunting muscle sa katawan dahil madalas itong maglaro ng volleyball tuwing off niya. Bumabakat ang hubog ng kanyang biceps lalo na kapag nakasuot siya ng kulay light green na scrub suit. Mas maa-appreciate mo siya kapag kinausap ka na niya dahil palangiti at may dimples ito at medyo may kahinhinan magsalita.

“huy, okay ka lang ba?” pangungulit niya sa’kin.

“Ah oo, okay lang ako…Salamat… doon muna ako ah?” pilit kong pagiwas sa kanya.

Ngunit sa tuwing iiwas ako handa siyang muli akong harapin upang tingnan ako ng diretso sa mata at ngitian na animo’y nagmamakaawa na alayan ko siya ng kahit na kaunting minuto upang bigyan ng pansin.

“Nakukulitan ka na ba sa akin?” wika niya habang tinutunaw niya ako ng mala-artistahin niyang ngiti.

Ayaw ko man sanang ulit-ulitin ngunit kailangan kong ipaalala sa kanya na “May boyfriend na ako… Alam mo naman ‘yun diba?”

“Malayo naman siya eh… ako, eto lang ako oh, abot kamay mo…” hinawakan niya ang kamay ko. 
Parang wala siyang pakialam kung may makakita mang katrabaho namin sa ginagawa niya. Ganun din siya ka-insensitive sa taong maaring masaktan kung itutuloy niya ang nararamdaman niya.

“Hindi ganun ‘yun eh…” hinatak ko ang kamay kong pilit niyang hinawakan. “…Kahit nasa malayo ‘yun sobrang mahal na mahal ko ‘yun. At saka magkaibigan tayo diba?”

Bumagsak ang  ngiti sa kanyang labi habang tinatanong kung: “Bina-busted mo na ba ako?”

“Mas gusto kitang maging kaibigan. Bestfriend. Ganun lang…”

Hindi ko alam kung bakit bigla akong nakaramdam ng awa habang kinakausap ko siya. Wrong timing yata na sinabi ko sa kanya yung mga ganung bagay. Kaso kung hindi ngayon, kailan ko sasabihin? Walang tamang panahon para sa mga ganitong klaseng sitwasyon.

Matamlay siyang lumayo sa akin. Yung totoo? Nalungkot ako. Nakunsyensya. Mabait kasi siya. Sobra.  At hindi ko intensyong saktan ang  damdamin niya. Inisip ko na lang na hindi siya mabuting maging partner kasi handa siyang manira ng isang nananahimik na relasyon magka-love life lang. Napaka-selfish nung ganung ideya at konspeto. Yung ideyang ako na lang mahalin mo kasi ako ang nandito at wala naman siya dito.

Kung tutuusin wala kaming pinagkaiba. Makasarili rin naman ako. Hindi ko kasi iniisip ang sitwasyon ni Russel sa Dubai. Hindi ko pinapahalagahan ang mga pangarap niya. Kung ano ang nais niyang marating. Ang iniisip ko lang kasi lagi kung paano kami? Paano na ang relasyon namin kung madadagdagan pa ng dalawang taon ang paghihintay ko? Paano na ang mga plano naming dalawa? Laging nakapabor sa kung ano ang gusto ko at ikaliligaya ko. 

Nature na natin iyon eh. Yung ayaw masaktan. Natatakot tayong maging magisa. Kaya naman minsan nagiging makasarili tayo at hindi natin iniisip na hindi iyon ang dapat iasal ng isang matino at matured na nilalang.

Pinuntahan ko siya sa kung saan siya naka-station. Tinatapos niya ang chart ng isa sa mga pasyenteng kakapasok lang sa ER kani-kanina lang. 

“I’m sorry kung may nasabi man akong nakasakit sa’yo…” sinserong bulong ko sa tabi niya.

Hindi siya tumugon sa sinabi ko. Parang hindi yata siya naniniwala at pinagdududahan pa niya ang paghingi ko ng tawad sa kanya. Bagkus, ngumiti lang siya at inilabas ang dimples niya habang patuloy sa pagsusulat sa mga chart. Medyo nainsulto ako. Siguro okay na iyon. Kaya naman iyon ang naging hudyat upang tumalikod na ako upang kausapin ang kapwa naming mga nurse na may pinagkakaabalahan sa kabilang sulok ng ER.  

“Lance, hatid kita mamaya paguwi? After nun, promise hindi na kita guguluhin…”

Nilingon ko si Dylan. Tinanguan at binigyan ng isang simpleng ngiti.





ITUTULOY 
(Salamat sa mga nagtiyagang naghintay sa loob ng 4 na taon, 
Comments are very much appreciated.)




Read more...

Supports:

Community & Groups - Top Blogs Philippines


This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.
These are works of fiction. Names, characters, places and incidents are either the product of my imagination or are used fictitiously, and any resemblance to actual persons, living or dead, business establishments, events, or locales are purely coincidental. All photos are not taken by me unless otherwise noted. They all came from different sources such as Google Images and several free photo sharing websites and forums. If any particular set of photos belong to you and you wish for either credit or removal of photos E-Mail me at paul_kian@yahoo.com.

© 2008-2015 ANG MGA KWENTO NI PAULKIAN
Designed by: Ourblogtemplates.com| DISCLAIMER | e-mail/YM

My Home Page has been viewed
Web Page Counter
since June, 2008

Creative Commons License

  © Blogger templates The Professional Template by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP