Photobucket


Destiny is for losers. It's just a stupid excuse for waiting for things to happen instead of making them happen

-- Blair Warldorf, Gossip Girl

Tuesday, November 11, 2008

AKO si DESTINY (CHAPTER 16: “EXODUS”)

"AKO SI DESTINY"
(a heart-warming love story)
By: PAULKIAN
http://paulkian.blogspot.com/




The greatest thing you'll ever learn is just to love and be loved in return.

---Moulin Rouge(2001)



CHAPTER 16: “EXODUS”


“RUSSSSSEEEEEELLLLL!!!!!!”


Bigla akong napabalikwas mula sa pagkakahiga. Dali-dali akong bumangon. Humampas ang ulo ko sa double deck kong kama na nagdulot mula sa pagkagising ng aking ulirat. Bigla akong naghabol ng hininga. Tumingin ako sa aking paligid… salamat, nasa loob ako ng dorm.

Panaginip lang ang lahat. Isang napakasamang panaginip. Napa-knock on wood ako sa kama. Akala ko totoo na. Mabuti na lang nagising ako kaagad. Ayaw kong maging bilanggo ng isang bangungot habang-buhay. Napangiti ako habang unti-unti akong bumabangon upang makapag-ayos. Sabi kasi nila kabaligtaran daw lahat ng panaginip. Kung malungkot ang napanaginipan, ang ibig sabihin daw nun ligaya. Salamat sa panaginip, isa siyang senyales sa akin na ipagpatuloy ang gagawin ko ngayon. Naalala ko ang sinabi ni Jerome:

“Ginagawa ko ‘to para sa kaligayahan ko. Dahil kaligayahan ko si Russel. Makita ko siyang masaya, masaya na rin ako…

Pagkatapos ba nito magiging maligaya na rin ako? May malaking pagkakaiba ba ang ligaya sa saya? Ito ang mga tanong na nanuyot sa utak ko habang naliligo ng mabilisan. Katulad ng tubig na umaagos, kasama ring nawala ang mga agam-agam ko. At tuluyang nakalimutan ang isang panaginip.

“Lance? Lance!?”

Si Luis ang kumakatok sa pinto. Malamang susunduin na naman ako para magalmusal sa labas. Walang mintis ang routine niya. Palaging kasali ako sa daily activities na pinaplano niya. Minsan nga naisip ko kung hindi ba nagsasawa ‘to sa akin.

“Sandali lang Luis ha? Nagbibihis kasi ako…”

Nagmamadali akong nagbihis ng pants at T-shirt. Pinagbuksan ko siya ng pintuan at buong lugod ko siyang pinapasok sa loob. Pormado na naman si Luis. Kahit kailan talaga umaakma ang mga damit niya sa kagwapuhan niya. Bukod pa dun bagong gupit pa si pogi. Fresh na fresh nga naman talaga ang dating.

“Oh? Saan ang lakad?” usisa niya sa akin.

Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Hindi niya pa alam ang plano ko. Sasabihin ko ba o ano? Kapag sinabi ko, tiyak masasaktan ko siya. Kapag tinago ko naman, parang ganun lang din. Lalabas at lalabas din ang totoo. Mas mabuti pang habang maaga ipagtapat ko na sa kanya ang gusto kong mangyari. Mas maigi na wag ko na siya paasahin pa. Nakakaguilty man pero kailangan eh. Siguro nga naging panakip-butas siya sa loob ng isang taon. Bad ako noh? Sinubukan ko namang buksan ang puso ko sa kanya pero wala talaga eh. Mahirap talagang diktahan ang puso. Hindi talaga kayang mag-work. Mahirap pilitin ang hindi naman talaga nararamdaman. Parang isang mangga na kapag pinilit mong mahinog kapag tinikman mo maasim parin ang lasa.

“Luis, galing dito si Jerome kagabi…”

Hindi umiimik si Luis. Inaantay niya ang mga susunod na sasabihin ko. Halata ang kanyang mga mata na nakatingin sa aking mga daliri. Halatang sinisipat kung suot ko ba ang singsing na ibinigay niya. Unti-unti kong kinuwento sa kanya ang mga pangyayari kagabi kasama si Jerome.

“Humingi siya ng tawad sa akin. Sinabi niya ang totoo… hindi nila ako pinaglaruan…”

Biglang sumama ang pagmumukha ni Luis. Mula sa mala-anghel na ngiti nito napalitan ito ng nakakairitang mga sulyap. Halatang ayaw na makinig sa mga sasabihin ko. Parang may gusto siyang sabihin. At hindi nga ako nagkamali.

“gaano ka naman nakakasigurado?” isang tanong na nagpaisip din sa akin ng ilang segundo.

Muling bumalik sa aking gunita ang sinabi ni Jerome. Nagflash-back lahat ng mga salitang namutawi sa labi nitya. Mga salitang nagpahina sa aking puso. Ang mga salitang naging dahilan upang magpatawad at muling maniwala sa kanila. Iyon ang naging batayan ko kaya ako nakakasiguro ng husto.

“aalis na daw si Russel mamaya papuntang Dubai…Alas diyes nga daw ang alis.”

“aah, siya pala yung pupuntahan mo?”

Hindi na naman ako nakasagot. Hindi rin ako makatingin sa kanya ng diretso. Ayaw kong makasakit ng tao. Kaya naman ingat na ingat ako sa mga nais kong sabihin at ipakahulugan.

Kinuha ko ang maliit na kahon kung saan nakasilid ang singsing na ibinigay niya sa akin kagabi. Hinawakan ko ang kamay niya. Sa pagkakataong ito normal na ang temperature ng kanyang balat. Ramdam ko.

“Sorry…” sambit ko habang iniaabot ang kahon.

Ang isang salitang iyon na ang nagpaliwanag ng lahat kay Luis. Madaling rumehistro sa kanya ang mga nais kong sabihin na hindi ko masabi-sabi. Ngumiti lang siya at tumango. Halatang nagshift mood siya. Nagpanggap na okey lang. Nagsuot ng isang maskara at nagbitaw ng mga saloobin sa kanyang puso.

“Kung magpapayo ako bilang karibal ni Russel, hindi ako magpapakaplastik sasabihin ko talaga sa’yo na ‘wag mo na siyang puntahan, kasi minsan ka na niya nasaktan tiyak uulitin niya pa yun…dito ka na lang sa tabi ko, akin ka na lang…”

Inaasahan ko ang mga ganoong salita. Kaya naman nakinig lang ako sa kanya. Kailangan ko siyang pakinggan. Baka sakaling magbago pa ang isip ko.

“Pero ayaw kong maging selfish eh. Mahal na mahal kita Lance kaya ayaw kong nakikita kitang umiiyak o nasasaktan. Kahit hindi mo sabihin alam kong napipilitan ka lang kapag kasama mo ako…”

“Luis…”

“Lance, ipaglaban mo ang taong mahal mo lalo pa’t mahal ka rin niya. Saka ka lang sumuko kung hindi na patas ang nararamdaman niyo sa isa’t-isa.”

(mahal nga kita pero wala nang saysay pang ipaglaban kita kung hindi naman ako ang talagang laman niyan…)

Tumalikod sa akin si Luis. Ayaw niyang ipakitang tumutulo ang kanina pang naluluha niyang mga mata. Pinunasan niya ito at muli siyang humarap sa akin.

“kung iiyak ka man ulit, nandito lang ako handa pa rin akong makinig sa’yo… pero kung ito na yung kaligayahan mo, sana ‘wag mo kong kakalimutan ha? lagi kang laman nito…”

“Salamat, maraming salamat at naiintindihan mo ko…”

Tanging walang humpay na pasasalamat lang ang naisukli ko sa kanya. Hindi niya talaga ako iniwan. Palagi siyang nandiyan at nakikinig. Lagi niya akong nauunawaan. Alam kong nasasaktan si Luis. Nagpapanggap lang siya na okey lang sa kanya. Alam kong mamaya bibigay din ang damdamin niya. Alam ko kahit anong oras aagos ang mga luha sa huwad niyang mga ngiti. Nakaramdam ako ng awa. Pero alam kong ayaw ni Luis na nakakaramdam ako ng ganun kaya mas ninais niyang itago ang tunay na emosyon niya.

“sige na Lance bilisan mo na, 9:30 na, kailangan mo siyang maabutan…nandito lang ako, aantayin kita…”

“Luis ‘wag mo na ako hintayin, makakaabala lang ako sa’yo…”

“Ano ka ba naman? Kahit kailan hindi ka naging sagabal sa’kin, kaya sige na aantayin kita dito okey?”

“Luis? Please??? Wag na.”

“okey sige na nga, basta balitaan mo ko ha? Itetext mo ko kung ano ang mangyayari ha? Smile ka naman…magiging maligaya ka na niyan…”

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Alam ko kung gaano kasakit ang nararamdaman ni Luis ngayon. Ito na siguro yung sukdulan. Kailangan ko nang piliin ang nais ko. Mahirap magpaasa. Masakit din ang umaasa lalo pa’t alam mong imposible. Alam ko mahirap din magmahal, lalo na kung ang mahal mo ay may mahal ng iba. We cannot have the best of both worlds eh. Laging balanse. Siguro nga hindi ka okey ngayon
pero sa ibang aspeto perpekto ka naman.

Magkasabay kaming lumabas ng compound. Tahimik. Walang kibuan. Bago kami tuluyang naghiwalay hinawakan ni Luis ang kamay ko. Siguro ito na ang huling pagkikita namin o baka matatagalan na ulit. Sa pagkakataong ito hindi ko na tiningnan pa ang reaksyon ng mukha niya. Humiwalay na ako sa kanya pagdating namin sa terminal ng mga jeep. At siya naman hindi na rin lumingon pa habang papalayo.

Inantay pa ng driver na mapuno ang jeep. Ang init-init. Tirik na tirik ang sikat ng araw. Malas pa nga at napaupo ako sa anggulong sakto na nasisikatan ni haring araw. Nagantay pa ako ng ilang minuto bago tuluyang umandar ang sasakyan. Sa wakas, akala ko malilitson na ang likod ko sa init.

Mabilis na humarurot ang sasakyan sa daan. Hinatid ako sa dapat kong paroonan. Ito ang jeep na maghahatid sa akin sa kaligayahan. Tiyak na mabilis akong makakarating sa village. Nananalig ako!

“Aabot pa ako kay Russel. Saglit na lang.” bulong ko sa sarili ko.

Pagbaba ko ng sa village, halos tumatakbo akong pumasok sa loob. May mga nakaparadang pedi-cab sa gilid kaya naman imbis na maglakad sumakay na lang ako nagpahatid sa block 8. Baka kasi maligaw ako kapag nagmarunong ako.


“kuya, block 8… pakihatid na lang ako sa lot 18 dun hindi ko kasi alam yung bahay eh…”

“okey sige walang problema,” sagot naman ni kuyang pedicab driver.

Ito ang kauna-unahang pagkakataong nakapunta ako sa village. Ito ang kauna-unahang pagkakataong pupuntahan ko si Russel. Tiyak magugulat siya sa’kin. At magtataka siya kung ano ang sadya ko sa bahay nila. Nakakaexcite. Malapit na. Ilang minuto na lang.

“bosing, nandito na tayo…”

Ang bilis ah! minuto lang yata. Kung tutuusin pwede naman pa lang lakarin.

“kuya magkano?”

“kinse lang…”

Pagkabigay ko ng bayad, pumadyak na rin si kuya papalayo. Naiwan ako sa harapan ng bahay. Ito na ba ang bahay ni Russel? Tiningnan ko ang mga numerong nakapinta sa gate. Block 8, Lot 18 ang nakasulat. Ito na nga ‘yun. Bahay ‘to ng mahal ko.

Maganda pala ang bahay nila. Naka-grills lahat. Kulay maroon ang up and down nilang tahanan. Mukhang malawak din ang garahe sa loob. Kapansin-pansin din ang mga orchids na matatanaw mula sa labas ng bahay nila.

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Kinakabahan ako. Kakatok na ba ako? Teka may door bell naman pala. Haaay! Paano ba?

“Sa ngalan ng kaligayahan…” bulong ko sa sarili ko.

Umatras muna ako. Humugot ako ng lakas ng loob mula dito sa puso ko. Si Russel ang nahugot ko. Siya lang naman ang laman nito eh. Siya ang dahilan kung bakit ako nandito.

Pinindot ko ang doorbell. Isa. Dalawa. Tatlo. Tatlong beses kong pinindot. Nagtahulan ang mga aso sa loob. Maririnig mo ang mga nagtatalunang mga aso sa loob ng kulungan nila. Malamang may mga lahi lahat.

Isang matandang babae ang nagbukas ng gate. Minukaan pa ako at tiningnan maigi.

“ano po yun?” tanong niya sa akin.

“kaibigan po ako ni Russel, nandiyan po ba siya?”

“Si Russel ba kamo? ay naku! Iho, kakaalis lang kani-kanina lang… “

Hindi ko inaasahan na ganun ang isasagot ng matanda. Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. Tumingin ako sa aking relo. Saktong alas-10 na ng umaga. Bakit ganun? Sinigurado kong tama ba ang narinig ko mula sa kanya.

“Umalis na po?”

“Oo iho, umalis na…”

Hindi man lang ako umabot. Hindi ko man lang nasabi ang gusto kong sabihin. Hindi ko man lang siya nayakap bago siya umalis. Huli na ang lahat. Unti-unting nanghina ang mga kalamnan ko. Ang kaba ay napalitan ng kirot. Parang nilalamutak ng dahan-dahan ang umaasa kong puso.

“Kailan po ba siya babalik dito sa Pilipinas?”

“Mukhang matatagalan pa iho. Doon niya na kasi ipagpapatuloy ang pag-aaral niya kasama niya dun yung kapatid niya… alam mo naman na silang dalawa na lang ang magkaramay… ulila na kasi sila… kawawang mga bata.”

“sige po, salamat na lang po…”

Hindi ko na nagawa pang makipagkwentuhan sa matanda. Gustuhin ko mang mang-usisa pa pero kumikirot na ang puso ko. Parang hindi ko na alam ang mga susunod na gagawin. Wala na si Russel. Hindi ko man lang siya naabutan. Siguro, hindi nga talaga kami para sa isa’t-isa. Siguro hanggang dito na lang talaga.

“Russell…” tanging nasambit ng aking diwa.

Nilakad ko na lang ang village palabas. Parang gusto ko na ring lakarin simula village pauwi ng dorm. Parang kasing nasa state of shock parin ako. Hindi ko talaga alam. Basta nakakaramdam ako ng sakit dito sa loob ko. Pamilyar na kirot na lagi kong nararamdaman. Kung tutuusin dapat sanay na ako sa ganitong pakiramdam, pero parang bago lagi kapag ito ang umaatake.

Sumakay ako ng jeep na maghahatid sa akin pauwi ng dorm. At ito rin siguro ang sasakyang maghahatid sa akin sa dapat kong harapin.

Bumaba ako sa harapan ng HBC. Malapit na kasi ito sa dorm. Ilang minutong paglalakad na lang makakauwi na ako. Okey ang lahat (iyon ay sa pagkakaalam ko). Hindi ako iiyak. Ayaw ko ng umiyak noh! Tama na. Oo, napakasaklap pero ito na yun eh. Ito na yung kapalaran siguro naming dalawa ni Russel na kailangan naming harapin at tanggapin ng maluwag. Wala rin namang mangyayari kung hahagulgol na naman ako. Nakakasawa na kasi eh. Pagod na ako. Pagod na pagod na.

Sa mundong ito, kung talagang para sa’yo ang isang bagay kahit pagbalik-baliktarin man natin para sa iyo pa rin ‘yun. Babalik ‘yun. Pero kung hindi talaga para sa’yo kahit magtiyaga kang mag-antay buong buhay mo, hindi talaga mapapasa’yo.

Siguro nga hindi siya talaga para sa akin.

Aktong papasok na ako ng compound ng may mapansin akong isang lalaking nakatayo sa tapat ng pintuan ng aking dorm. Inaantay yata ako. Pamilyar ang tindig niya. Kaya naman pala. Si Luis, matigas ang ulo at inantay pa talaga ako.

“diba sabi ko sa’yo wag mo na akong hintayin?”

“pasensya ka na, hindi kasi ako mapakali eh… kinakabahan ako para sa’yo… oh ano? Kamusta? Anong balita?”

Interesadong-interesadong malaman ni Luis ang mga nangyari. Pero parang wala akong balak magkwento. Kaya naman isang iling lang ang isinagot ko sa kanaya.

“oh bakit?” usisa niya.

Hindi ko napigilan ang sarili ko. Mahirap pala magsalita ng tapos. Humagulgol ako sa harap niya. Tuloy-tuloy na umagos ang luha ko. Walang patid na umagos. Bawat patak puro pagsisisi. Bawat sakit puro panghihinayang.

Niyakap ako ng mahigpit ni Luis. Dinamayan niya ang pighati ko sa pamamagitan ng kanyang mga yapos. Hinayaan niya lang akong umiyak ng umiyak. Hindi niya akong iniwang nagiisang lumuluha. Sinabayan niya pa ako sa pagiyak. Hindi ko alam kung ano ang iniiyakan niya. Siguro naaawa siya sa’kin.

“wala na siya Luis, hindi ko na siya naabutan…”

Pinunasan niya ang mukha ko. Gamit niya ang panyong unang pinahiram niya sa akin.

“tama na yan Lance, may nagmamahal pa naman sa’yo…may reserba pa.” sambit ni Luis habang inaakay ako papasok ng dorm.

Reserba. Isang napakasakit na salitang narinig ko mula sa kanya. Hindi ko alam kung bakit ako nasaktan. Siguro masakit din sa kanya ang salitang yun.

“Luis…”

“tama na Lance, alam ko… wag na. sige na maupo ka muna diyan at bibili muna ako ng makakain natin ha? Magtetake-out na lang ako. Ano ba gusto mo?”

Hindi ako umimik.

“O sige, kahit ano na lang… French fries, tipong ganun ha?”

Nababakas sa mga mata ni Luis ang kaligayahan. Masaya siya alam ko. Hindi niya maitatatgo sa akin yun.

“Lance, kung ako ang pipiliin mo hinding-hindi ka na iiyak… nandito lang ako lagi, handa akong maghintay…”

Iyan ang mga katagang binitawan ni Luis bago siya lumabas ng dorm upang bumili ng makakain. Malaman at diretso. Ramdam ko ang sinseridad. Pero parang walang patol sa akin.

Ngayon nagiisa ako. Ano ang gagawin ko? Kailangan ko bang hintayin si Russel ng ilang taon na nasa Dubai o kailangan kong hintayin si Luis na nandiyan lang sa kanto at ilang minuto lang ay babalik din kaagad?



--- itutuloy

Read more...

9 komento:

otokonaata July 28, 2010 at 8:17 PM  

different emotions filled me. grabve speechless ako ayoko magsalita gusto ko lng tumili mapaohh at dumama. buti n lng wala bebe ko tabi ko bka natadtad na siya ng kurot. galing sobra

si luis ang destiny

boris_hunk,  July 28, 2010 at 8:18 PM  

PAUL!!!!!! GRRRRRR panaginip lang pala un... whew!!! kinabahan kc ako dun sa previous chapter na nabangga si russel... buti nalang... panaginip... thnxs... keep it up paul!

ugatbayo July 28, 2010 at 8:19 PM  

sad naman, pero mas sad ako para ke luis ambait naman nya,s an ba makakita ng ganyan, muntik na kong maiyak dito:
"Pero ayaw kong maging selfish eh. Mahal na mahal kita Lance kaya ayaw kong nakikita kitang umiiyak o nasasaktan. Kahit hindi mo sabihin alam kong napipilitan ka lang kapag kasama mo ako…” hay pag ibig nakakaloka, galing paul nice

yansci July 28, 2010 at 8:21 PM  

huhuhu...w at anice story

ybbortoh July 28, 2010 at 8:22 PM  

paul, gaya ng sabi ko... akin na lang si luis....
i think si luis si destiny.. hehehehehe

fireheart20 July 28, 2010 at 8:23 PM  

huhu.. naiyak na naman ako paul.. kaw talga.. galing2 mu...
keep it up.. :)

gregsaturday July 28, 2010 at 8:23 PM  

wah. mas bagay kami ni luis, pareho kaming masscomm. hehehe. XD

dyefri July 29, 2010 at 6:29 PM  

paulkian said
Luis ‘wag mo na ako hintayin, makakaabala lang ako sa’yo…”

“Ano ka ba naman? Kahit kailan hindi ka naging sagabal sa’kin, kaya sige na aantayin kita dito okey?”

“Luis? Please??? Wag na.”
dito ako tinamanan... promise.... a simple converasation, but it has its deep meaning...

Mikee,  November 17, 2010 at 10:50 AM  

nakakainis ka naman ee :C tangina. halos sumikip dibdib ko...


Supports:

Community & Groups - Top Blogs Philippines


This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.
These are works of fiction. Names, characters, places and incidents are either the product of my imagination or are used fictitiously, and any resemblance to actual persons, living or dead, business establishments, events, or locales are purely coincidental. All photos are not taken by me unless otherwise noted. They all came from different sources such as Google Images and several free photo sharing websites and forums. If any particular set of photos belong to you and you wish for either credit or removal of photos E-Mail me at paul_kian@yahoo.com.

© 2008-2015 ANG MGA KWENTO NI PAULKIAN
Designed by: Ourblogtemplates.com| DISCLAIMER | e-mail/YM

My Home Page has been viewed
Web Page Counter
since June, 2008

Creative Commons License

  © Blogger templates The Professional Template by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP