Photobucket


Destiny is for losers. It's just a stupid excuse for waiting for things to happen instead of making them happen

-- Blair Warldorf, Gossip Girl

Sunday, May 02, 2010

Have you ever felt the same? (CHAPTER 9: “CAROUSEL”)


(AKO SI DESTINY 2)
Have you ever felt the same?

By: PAULKIAN
http://paulkian.blogspot.com/

Mula ngayon.. "Idol ko na si Juan Tamad".. at gagawin ko sa’yo yung ginawa n'ya sa mga bayabas... - Hihintayin din kitang mahulog sa akin!---UNKNOWN



CHAPTER 9: “CAROUSEL



Hindi ko inaasahang sa pagmulat ng mata ko siya kaagad ang masisilayan ko. Para siyang anghel na buong magdamag yata akong binantayan. Bahagi na yata ng pang araw-araw na buhay ko. Nakakatakot isiping masyadong perpekto lagi ang mga tagpo naming dalawa. Hindi ko parin maunawaan. Hindi ko ma-gets kung bakit ang bait-bait niya sa akin. Sino ba ako sa kanya? Si Luis lang naman ako ah? Ayaw ko namang bigyan ng kahulugan lahat, pero kung maalala ko ang nangyari kagabi, maiiwasan ko bang umasa at mag-isip ng kahit katiting na malisya?

Alam mo yung pakiramdam na masaya ka pero parang may alinlangan pa? iyan ang eksaktong nararanasan ko ngayon. Pilit kong sinisisi ang sarili ko kung bakit ako nagkakaganito. Kasalanan ko bang mahulog ang loob ko sa kanya? Masama bang mainlove ako kay Russel? Pangit ba sa mata? Siguro sa mata ng lipunan, walang duda pangit siya. Pero sa mata ng mga nakakaunawa, katangga-tanggap na ba?

Gusto ko siyang tanungin tungkol sa ginawa niya kagabi pero parang pinigilan ako ng bibig ko para magsalita. Mas pinili ko na lang na magpadaloy sa agos. Bahala na kung saan ito tutungo. Bahala na kung pareho man kaming malunod.

“Pinapasok ako ng nanay mo, nahihiya naman akong gisingin ka kaya hinayaan lang kita matulog…”

Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko. Kung hindi siya nagpaliwanag malamang iisipin kong nag-teleport siya mula sa kanila papasok ng kwarto ko. Tiningnan na naman niya ako ng malagkit. Parang ayoko na yata bumangon at tapusin na lang ang buong maghapon ko sa pakikipagtitigan sa kanya. Umiwas ako ng tingin at sinulyapan ang wall clock. Alas-9 na pala ng umaga.

“Pasensiya ka na, nalate ako ng gising… wait, ligo lang ako…”

Isang matamis na ngiti ang naitugon niya sa’kin. Masarap na almusal iyon.

Iniwan ko si Russel. Pupungas-pungas akong lumabas ng kwarto. Nagmamadali kong tinungo ang banyo upang maligo. Hindi ko ininda ang lamig ng tubig mula sa gripo. Mas nangibabaw ang kaba, excitement, at hiya dahil si Russel ay nasa loob ng room. Nakakakilig kasi hinihintay niya ako. Hindi ko lubusang maisip na nangyayari ito. Parang isang panaginip. Isang ilusyon. Kahit nahimasmasan na ako sa tubig na umagos sa buo kong katawan, hindi parin ako makapaniwala. May kung anong hiwaga ang bumalot sa katawan ko.

Sampung minuto lang yata ako nagtagal sa loob ng banyo. Limang minutong nagbihis. Tatlong minutong nagpagwapo sa harap ng salamin. Dalawang minutong pinagmasdan si Russel habang binabasa niya ang mga koleksyon kong mga libro sa shelves.

“haaay, sana araw-araw ganito…” bulong ko sa’king sarili.



Sa labas ng bahay may nakaparadang kulay navy blue na van. Iyon yung van na ginamit ni Russel nung dumalaw sila sa memorial. Akala ko may driver siyang kasama pero laking gulat ko na siya lang pala ang nag-drive papunta sa’min. Pinagbuksan niya ako ng pinto sa bandang harap ng van. Pakiramdam ko tuloy babae ako. Ayaw kong mag-assume. Siguro sira yung lock kasi nahirapan akong buksan iyon. Ini-start ni Russel ang sasakyan. Binuksan ang aircon. Sumingaw ang naiwang init sa loob ng van. Binuksang bahagya ni Russel ang bintana sa tabi ko. Kasabay nun humawi ang pabangong bumabalot sa katawan niya. Mas mahiwaga iyon kumpara dun sa bumalot sa akin kanina habang naliligo. Humampas iyon sa ilong ko. Siyempre, nainlove na naman ako. Amoy pa lang mamahalin mo na. Alam mo yun? lahat na kasi na kay Russel. Mayaman. Gwapo. Masarap mahalin. Mukhang matalino. Kapag naging boyfriend mo siya para ka na ring bumili ng halo-halo, kasi kumpleto ang rekado. Ano na lang ba ang kulang sa kanya?

Nagsimula ang biyahe naming patungong Laguna. Medyo trapik sa mga dinaanan naming. Lumamig na rin sa loob ng van. Nagkusa akong isinara ang bintana sa aking kaliwa upang makulong ang lamig na ibinubuga ng aircon. Binasag naman ni Russel ang katahimikan sa loob ng van. Binuksan niya ang cd player. Napasulyap naman ako sa salamin sa harap naming dalawa. Pinagmasdan ko siya habang inilalapat niya ang cd sa player.



Anghel. Iyon lang ang pinaka-perpektong salita na mailalarawan sa kanya. Nawala ako sa huwisyo nang bigla siyang tumingin sa salamin. Shit! Nagtama na naman ang aming mga mata. Umiwas akong bigla dahil parang may pumaso sa sa dibdib ko para tumibok ng mabilis.

“Luis?” sambit niya…

“oh bakit?”

“okay ka lang ba? Nahihiya ka pa yata
eh…”

“naiilang lang ako...” paliwanag ko sa kanya.

Sino ba naman kasi ang hindi maiilang diba? Pagkatapos ng nangyari kagabi. Pagkatapos ng umagang siya kaagad ang nasilayan ko.

“bakit ka naman maiilang, halika nga dito usod ka, masyado kang malayo lumapit ka nga sa’kin.”

“huh?”

Hindi ko alam kung anong gusto niyang gawin ko. Hindi ko alam kung nagbibiro ba siya o seryoso siya sa mga binabanat niya. Nagsimula tumugtog ang mga tambol at iba pang percussion instruments sa likod ng puso ko.

“wag na okay na ako dito, baka maging sagabal pa ako sa pagmamaneho mo… wag mo ako intindihin, okay lang ako…”

“sige na ako bahala…” pagpupumilit ni Russel.

“wag na talaga, masisikipan ka lang…”

“hindi yan…mukha kang tanga diyan”

Inihinto ni Russel ang sasakyan sa tabi. Hinawakan niya ang kamay ko at hinatak papalapit sa kanya. Tipong kulang na lang isandal ko ang ulo ko sa balikat niya. Ganun ka-close. Tapos ipinatong niya pa ang kamay ko sa hita niya. Muli niyang pinaandar ang van. Sumulyap ako sa salamin. Pinagmamasdan din pala ako ni Russel. Natatawa siya. Hindi ko alam kung bakit. Hindi naman ako napikon bagkus kinilig pa ako.

Sometimes goodbyes are not forever It doesn't matter if you're gone I still believe in us together I understand more than you think I can You have to go out on your own So you can find your way back home

Ayun, Somewhere Down the Road ang drama ng cd player ni Russel. Barry Manilow collections yata ang pinapatugtog niya. Parang hindi yata akma sa eksena naming dalawa. Gayunpaman, naging makulay parin ang bawat yugto naming dalawa. Tulad ng dati hindi ko maipaliwanag. Hahayaan ko na lang ang panahon ang maglatag sa akin ng detalye. At kapag dumating nag time na iyon, sana… sana lang talaga hindi ako umiyak.

Parang naging smooth ang paglalakbay namin ni Russel. Parang road trip. Pakiramdam ko isa na iyon sa pinaka-sweet na kabanata na naranasan ko sa buong buhay ko. Tipong nakapila na ang isang libong langgam para pagpiyestahan kaming dalawa. Kahit tahimik si Russel at ganun din ako pero nag-iingay parin ang puso ko.

Pagkalipas ng humigit-kumulang na isang oras, sa wakas nakarating na rin kami sa EK. Medyo maraming tao. Mukhang may mga estudyanteng nag-fifield trip nung mga oras na iyon. Sinenyasan ako ni Russel na pipila siya sa harap upang bumili ng ticket. Mabilis din naman siyang nakabili at maayos kaming nakapasok mula sa entrance ng nasabing theme park.

“upo ka muna dito Luis, may bibilhin lang ako…” utos ni Russel sa akin.

Sa pag-talikod ni Russel, binunot niya ang cellphone sa bulsa. Mukhang may tatawagan siya.

“ano na? akala ko ba?... hay naku, bahala ka na nga…”

Tuluyan nang lumayo si Russel. Tanaw ko parin siya mula sa malayo. May kausap pa rin siya sa telepono.

Habang inaantay (ang kadate ko… kadate?) si Russel, pinagmasdan ko ang paligid. Hindi na bago sa’kin ang ambiance. Madalas kasi akong pumarito. Wala paring kupas ang mga rides nila. Napako ang tingin ko sa carousel. Ang boring panoorin. Paikot-ikot lang. Puro bata ang nagtiya-tiyagang sumakay. Kumapara sa ibang rides ito lang ang may pinaka-kaunting pila.

Bigla akong nalungkot. Parang ganun yata ang buhay ko. Paikot-ikot. Nakakaboring. Hanggang ngayon parang wala pang nangyayaring isang bagay na nagpapabago sa akin. O maging sa pagkatao ko. Isa rin pala akong tsubibo na hindi pinagaaksayahan ng oras kasi alam ng mga sasakay na wala silang mapapala.

Ngunit nagkamali ako nang makita kong paparating na si Russel. May dala siyang pizza at dalawang large size na softdrinks.

“sana ikaw na ‘yun…” bulong ko na naman.

Tinabihan ako ni Russel sa inuupuan kong bench. Gamit ang tissue, kinuhanan niya ako ng isang slice ng bacon cheeseburger supreme pizza. Iniabot niya rin sa akin ang inumin.

“Ubusin mo lahat ‘yan ah…” sabay sipsip sa hawak niyang softdrinks.

“ano ‘to foodtrip?”

“ayokong magutom ka, baka sabihin mo hindi kita pinakain…” sabay halakhak ni Russel na parang musika kung mapapakinggan mo.

“pagkatapos niyan sakay tayo dun…” tinuro niya ang carousel na nasa tapat lang namin.

“bakit diyan?” pagtatakang tanong ko.

“Bakit naman hindi?”

“ang boring kaya diyan…atsaka pambata ‘yan…”

“Bakit? bata pa naman ako ah? hehe ngayon lang naman, sige na pagbigyan mo na ako… gusto ko lang subukan kung ano feeling.”

Kahit ayoko, pinagbigyan ko ang isip-bata. Nakipila kami sa carousel. Mabilis kaming nakasakay. Naalala ko ang eksena sa Stairway to Heaven. Langit ka at lupa ako. Natawa akong bigla. Iba pala ang mga trip nitong si Russel. Kapag ginusto niya ginusto niya.

Nakita ko sa mga mata niya ang kakaibang kislap na kahit minsan ay hindi ko pa nakikita sa iba. Bigla ring lumarawan sa mga labi niya ang galak. Ligaya na parang ngayon lang niya ulit naranasan. Nakalimot ako na sa tsubibo kami nakasakay. Sinabayan ko ang pagikot nito habang pinagmamasdan ko ang aliw na aliw na si Russel. Ang gwapo niya talaga.

Iyon na siguro ang pinaka masayang nasakayan ko sa Enchanted. Hindi pala boring ang carousel. Lalo na kung ang kasama mo ay yung taong nagpapasaya rin sa’yo. Shit! Oo nga pinapasaya na ako ng mokong na ito. Ngayon ko lang na-realize.

“ayos diba?” tugon niya sa bawat ngiti ko.

Inakbayan ko siya. Sa pagkakataong ito ako naman ang gagalaw. Hindi naman siya pumalag sa ginawa ko. Mas inilapit niya pa ang balikat niya sa balikat ko upang maging abot kamay ko siya. Nilibot naming ang buong amusement park. Sinakyan lahat ng rides nang buong tapang. Karamay ko si Russel sa pagsigaw. Magkahawak kami ng kamay. Sumasandal sa kanya-kanyang balikat sa tuwing hindi kinakaya ang takot na nararamdaman.

Inabot na kami ng dilim sa loob. Napagod na kami sa maghapong paglilibot. Natagpuan namin ang aming mga sarili sa isang bench. Nagpahinga.

Naalala ko si Lance. Tama ba ang ginagawa ko. Ano sa tingin mo? Pinagtataksilan ko ba siya? Kaya ko ba siya madalas mapanaginipan lately kasi alam niya na parang may lihim akong pagtingin kay Russel? Teka, gusto ko nab a si Russel. Ano na bang tawag dito? Hindi ko alam. Ayokong magisip ng mga bagay na sa banding huli ay pagsisihan ko. Hindi ko rin gustong ipag-walang bahala ang mga nararamdaman ko.

Maya-maya lang sumabog ang mga fireworks sa madilim na kalangitaan. Nagkalat ito sa ere. Pinuno ng iba’t-ibang kulay ang langit. Isang atraksyon sa mga tao sa loob ng EK. Nakatingala si Russel. Para talaga siyang bata na nag-eenjoy na pinapanuod niya. Imbis na tumingala siya ang pinagmasdan ko. Para sa’kin wala nang gaganda pa sa mukha niya.


Ayokong mahulog. Ayokong umasa. Pero parang doon mauuwi ang lahat. Ano ba dapat ang gawin ko? Ang ipagpatuloy o hayaan ko na lang? Ang umiwas at palagpasin na lang?

Nagpalakpakan ang mga tao sa paligid. Manghang-mangha sila sa mga iba’t-bang paputok na nagsaboy ng ilaw sa langit. Siguro ito na ang isa sa mga romantikong eksenang pinapangarap ng bawat isa sa atin. Hinawakan niya ang kamay ko. Sa pagkakataong iyon binitawan ko siya. Tumingin ako sa kanya. Isang tingin na nagtatanong kung bakit niya ginagawa iyon. Nginitian niya lang ulit ako. Nagpapaliwanag na hindi ko na kailangan magtanong dahil malinaw naman niyang sasagutin sa pamamagitan ng bawat galaw niya. Muli niyang hinawakan ang kamay ko. Hinigpitan niya iyon. Kasabay ng mga fireworks display at palakpakan, dumampi ang labi niya sa aking pisngi. Mabilis. Hindi ako nakailag. Tinanaw ko ang carousel. Patuloy paring umiikot. Maganda pala ito sa gabi. Tinuro ko iyon kay Russel. Sa pagiwas niya ng tingin sa akin upang sulyapan ang ganda ng carousel, ako naman ang nagnakaw ng halik sa kanya. Nagulat siya. Ayan, patas na.





ITUTULOY

Read more...

6 komento:

Tim Drake May 3, 2010 at 12:45 AM  

wow! Nakapag update kana! Hehe super thanks ng marami! Wala ka pa ring kupas! Kakainlove talaga ^_^

shanejosh May 3, 2010 at 3:45 PM  

kalwat a panaon koya buti inupdate me ing kwentong ayni... eku balu nanung atin pero ng kasidhi ing epektu naning istorya mu keng biye ku... aldo adlo keng chichek site mu nung magupdate ka buti namu aisipan muneng ituluy ngeni ing kwentu... dakal salamat at eka sana sasawa hehehe. GOD BLESS(",)

mjomesa May 5, 2010 at 7:53 PM  

wow..nice...hehehhee..


paborito ko pa rin si tito..

baybie_sam,  May 12, 2010 at 9:33 PM  

haayyy....nabitin ako...kainis naiinluv na nman ulit ako...haha...luv it...i want more more...

ram June 22, 2010 at 6:13 PM  

bakit wala ng update ito

09306690281,  July 3, 2010 at 1:30 PM  

uy tol.. bitin naman!, update mo na please!!! i cant help but falling inlove with your story, haaaizzt! ang bi nga naman, !


Supports:

Community & Groups - Top Blogs Philippines


This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.
These are works of fiction. Names, characters, places and incidents are either the product of my imagination or are used fictitiously, and any resemblance to actual persons, living or dead, business establishments, events, or locales are purely coincidental. All photos are not taken by me unless otherwise noted. They all came from different sources such as Google Images and several free photo sharing websites and forums. If any particular set of photos belong to you and you wish for either credit or removal of photos E-Mail me at paul_kian@yahoo.com.

© 2008-2015 ANG MGA KWENTO NI PAULKIAN
Designed by: Ourblogtemplates.com| DISCLAIMER | e-mail/YM

My Home Page has been viewed
Web Page Counter
since June, 2008

Creative Commons License

  © Blogger templates The Professional Template by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP