Photobucket


Destiny is for losers. It's just a stupid excuse for waiting for things to happen instead of making them happen

-- Blair Warldorf, Gossip Girl

Sunday, September 06, 2009

Have you ever felt the same? (CHAPTER 8: "AWOL")


(AKO SI DESTINY 2)
Have you ever felt the same?

By: PAULKIAN
http://paulkian.blogspot.com/

Expect nothing, live frugally on surprise. --- Alice Walker


CHAPTER 8: “AWOL”


(Dumagundong ang kulog. Biglang bumuhos ang malakas na ulang nagpahawi sa mga tao sa paligid namin ni Lance. Hindi ko siya iniwan sa gitna ng daan. Niyakap ko siya ng mahigpit habang nakikiayon ang langit sa bawat hagulgol ko.

“Lance, wag mo kong iiwan…bumangon ka diyan…” tanging naibulong ko sa kanya.

Ngunit hindi ko magising ang kanyang ulirat. Mas hinigpitan ko pa ang pagkakahawak sa kanyang kamay.

“Tulungan niyo kami! Tumawag kayo ng ambulansya!!!”

Parang walang naririnig ang mga tao. Mas malakas pa yata ang patak ng ulan kaysa sa sigaw ko.

“Nandito na ako Lance… wag mong ipipikit ang mata
mo…”

Hinigpitan ko ang pagkakayakap ko sa kanya. Kasabay ng paparating na ambulansya, umalingawngaw ang boses ko sa daan.

”LAAAAAAAAANNNNNCCE!!!”

At tuluyan na siyang bumitaw mula sa pagkakakapit. Tuluyan na niya akong iniwan.)


Sabi nila ang love life daw ay isang malaking sugal. Hindi mo alam kung kailan ka matatalo, hindi mo rin malalaman kung may pag-asa ka pa bang manalo. Pero isa lang daw ang may kasiguraduhan, tumataya ka kasi gusto mong madoble kung ano man ang nailapag mo. Naisip kong bigla kung saang sulok ba ng utak ko nagmula ang prinsipyong iyon. Parang hindi yata akma sa mga nangyari sa akin noon. Nagmahal ako ng sobra-sobra pero hindi naman na-reciprocate lahat ng taong pinag-alayan ko ng buo kong pagkatao. Sumugal ako sa paniniwalang dadating ang araw na mamahalin din ako tulad ng pagmamahal na ibinibigay ko pero ayun, talo parin. Siguro ganito dapat: “ang pagmamahal ay isang sugal, manalo man o matalo, bumalik man o tuluyang mawala ang itinaya mo wala ka dapat pagsisihan, hindi ka dapat maghangad na bumalik sa’yo lahat ng pagmamahal na naitaya mo. Oo nga nakakapanghinayang matalo pero kung talagang swerte ka, kusa kang mananalo.” Yun daw ang tinatawag na “unconditional love”. Tipong may dialogue na: “you don’t have to love me back… I’ll be okay…” Naisip ko ulit, oo nga ganyan ako noon.


“Oh pa’no ba yan kuya, panalo na naman ako!” sigaw ni Lara habang inilalapag ang 3 barahang hawak niya.

“ano ba ‘yan! ang kyoho ng kamay ko tonight!!! OMG! 8 pm na pala, masyado akong naaliw kakatong-its ditez. Tara na Luis sabay na tayo, papasok ka davaaah!??”

Si Jennifer. Pinaalala sa akin ni Jhen na kailangan ko nang gumayak. Sa totoo lang parang wala akong gana mag-take ng calls ngayon. Wala ako sa mood. Parang may kung anong negatibong enerhiya ang humihila sa akin pababa. Eh kung magpahila kaya ako noh? Hindi parin kasi mawala sa isip ko ang napanaginipan ko kanina. Bakit ganun? Paulit-ulit na lang. Kumbaga sa palabas sa TV, replay na naman! May pinapahiwatig ba? May gusto bang sabihin sa akin si Lance? May mangyayari bang hindi maganda? Kung ano man ang ibig sabihin ng mahiwagang panaginip na patuloy na bumabagabag sa akin, siguro hindi ko na lang muna papansinin. Be optimistic! Hindi makakatulong sa giyera mamaya ang kung anu-anong kahibangang naiisip ko.

Paglabas ng gate pinuna ni Curacha ang aura ko. Napaka-observant talaga ng babaeng ito.

“Papa Luis? May sakit ka ba? Bakit umi-emo ka diyan? Diba off mo na bukas? Kaya dapat happy ever ka na girl!”

Off ko na pala bukas. Biyernes na! at may lakad ako, I mean may lakad “kami” ni Russel! Na-excite akong bigla. Natabunan ng galak ang kaninang lugami kong mukha.

“Jhen! Ang lakas ng bunganga mo…”

“Ay sorry… Sunduin mo naman ako bukas Papa Luis sa ospital, tutal naman pay day na si atashi, halina’t gumimik!” dagdag ni Jennifer.

“At bakit? Boyfriend mo ko? pasensiya na Jhen pero may lakad “AKO” bukas eh…”

“At kailangan ba talagang ipagdiinan ang salitang “AKO”? Kung ayaw mo ‘di wag! Baklang ‘to lakad-lakad ka pa, kaladkarin kita diyan eh…” sabay tawa ng malakas waring walang pakialam kung may makarinig man o wala.

“Jhen, napanaginipan ko na naman si Lance…”

Hindi ko alam kung tama bang isingit ko si Lance sa usapan. Hindi lang kasi ako mapakali. Kasabay nun, parang kristal na nabasag ang mataginting na halakhak ni Jennifer na umaalingawngaw sa buong subdivision. Para talagang megaphone ang bibig ng babaeng ito. Napahinto ito sa paglalakad at tumingin sa akin.

“Oh? May pagbabago ba?” seryosong tanong niya sa’kin pero this time pabulong na.

“wala nga eh…as usual…”

“ano bang meron ngayon? Kakatapos lang naman ng birthday ng baklitang yun ah, at siyempre tapos na rin ang undas! Hmmm… Baka anniversary nila ni Russel?”

Napalunok ako sa sa huling sinabi ni Jhen. Naisip ko ang lakad namin ni Russel bukas. Kaya ba siya nagyaya mag-EK kasi anniversary na nila? Kinilabutan akong bigla sa naisip ko. Bakit ba ang wild ng imagination ko ngayon? Feeling ko pinagtataksilan ko ang nasirang si Lance. Obvious bang guilty ako? Oo alam kong nagkaka-malisya na ako kay Russel pero alam ko naman sa sarili ko na hanggang doon na lang ‘yun noh. Wala akong balak pumapel sa buhay niya. Teka nga… Ay, shit! Ayokong mag-salita ng tapos. Tama ba ‘tong ginagawa ko? Wala naman kaming ginagawang masama (sa ngayon…) Bahala na nga!

“Jhen, tinatamad akong pumasok sa office ngayon… tara, gala na lang tayo?”

Ngunit imbis na i-tolerate ako ng babaeng bakla tulad ng inaasahan ko, hindi niya ako pinagbigyan.

“Papa Luis ikaw ba ‘yan? Gaga! sinasaniban ka na ni Juan Tamad! Isa itong himala! Juan Tamad! Umalis ka sa katawan ng baklang ito! Umalis ka!” aktong a la Bro. Mike Velarde na nakataas pa ang kamay at nakapatong sa ulo ko.

“seryoso kaya ako…”

“Tanga! Pumasok ka! Sayang ang 900 sa araw na’to…” giit niya sa’kin.

Kahit labag sa’king kalooban, napa-oo na lang din ako. Tama naman si Jhen,. Sayang ang 900. Kaya naman nagpumilit na lang akong ihatid muna siya sa Dasma, tutal naman masyado pang maaga kaya hindi ako mahuhuli sa opisina. At saka isang sakayan lang naman ng bus mula Dasma hanggang Makati, kung saan ako nagta-trabaho. Kaya from Bacoor kung saan naman ako nakatira dinamayan ko sa pagbibiyahe si Jhen pauwi ng Dasmarinas. Gusto ko kasi maiba ang routine ko. Gusto kong ibahin ang nakagawian kong paulit-ulit na kaganapan sa buhay ko. Dahil hindi ko magawang baguhin ang walang kupas na panaginip na pinagbibidahan ni Lance.

“oh sige Papa Luis ditez na lang, salamat ah?”

“Wala yun kaw kasi eh, ayaw mong umabsent ako ngayon!”

“Haay naku, tantanan nga si atashi! Maraming tao ang walang trabaho ngayon, tapos ikaw sinasayang mo lang! kaloka ka!”

“O siya sige na! Bye!”


“Ingat ka! Pumasok ka bruha!”
pahabol ni Jhen habang pinagmamasdan ko siyang naglalakad palayo.


Tumalikod na ako at naglakad narin papalayo. Tiningnan ko ang suot kong wrist watch, 9:00 na ng gabi. Lumalalim na. Kahit labag sa kalooban ko binaybay ko ang kahabaan ng bangketa sa harap ng Robinson’s Dasma. Mukha namang safe. Salamat sa mga street lights sa paligid nito. At sa mga taong nakakasabay ko na rin maglakad. Pansamantala kong hininto ko ang walkaton. Hindi ko alam kung bakit. Naghahangad siguro ako ng aparisyon.

Naalala ko nung estudyante pa lang ako. Kahit umabsent ako ng 2 o 3 beses, pagdating ng kuhanan ng card top 1 parin ang rank ko sa klase. Samantalang ngayong kumikita na ako at nagta-trabaho umabsent lang ako ng isang beses, putsa baka bukas makalawa terminate na ako. Natural, kasi hindi naman ako binabayaran para umabsent. Siguro ganun nga talaga ang buhay. Habang tumatanda ka, maraming bagay ang nagbabago. Maraming bagay ang hindi na bagay sa’yo ngayon na dati naman ay nakasanayan mo. The only constant thing in this world is change. Lahat naihuhulma ng panahon upang magbago. At parang nagbabago na rin ang isip ko kung papasok ba ako o hindi.

Decision making. Papasok ba ako o aabsent? Isa, dalawa, tatlo… inabot ako ng humigit-kumulang na 5 minutong nagiisip. Habang naglalakad ako patuloy namang tumatakbo ang minuto. Patuloy akong hinahabol ng oras upang makapag-desisyon. Muli akong huminto para itali ang nagkalas na sintas ng aking rubber shoes. Hindi pala naging mahigpit ang pagkakatali ko. Kung gusto kong malayo ang marating ko kailangan kong higpitan ang pagkakatali dito kasi kung hindi baka mapatid lang ako at tuluyang madapa sa kawalan. Ngunit sadyang maraming tukso sa paligid. Maraming nakaambang panganib. Kahit nagiingat ka, minsan talaga ang disgrasya ang lalapit sa’yo para guluhin ang sinimulan mong matiwasay na mundo. Isang tumatakbong lalaki ang parang kidlat na dumaan sa gilid ko. Para itong sasakyang humarurot na naging dahilan upang mawalan ako ng panimbang habang nagtatali ng sapatos. Tuluyan akong napaupo sa semento at nalagalag sa gilid ng bangketa.

“aray!!!” tanging naibulalas ko lang habang pinupulot ang aking sarili mula sa pagkakasalampak sa daan.

Maya-maya lang dalawang pulis naman ang tumatakbo upang habulin ang kumakaripas na lalaki na isa pa lang snatcher. Iyon ang eksenang nasaksihan ko noong mga oras na iyon. Kailangan ko nga yata talagang pumasok.

Hindi pa ako tuluyang nakakatayo sa semento isang kamay naman ang nag-abot sa akin upang tulungan akong makaahon sa pagkakalugmok. Isang kamay na hindi ko inaasahang aakayin ko sa kung saan. Isang kamay makakatulong upang makapag-decide ako na hindi na ako papasok sa office.

“Okey ka lang ba?” tanong niya sa’kin habang tinutulungan akong makatayo…

Parang aparisyon. Bakit ba sa tuwing mga araw na hindi ko siya inaasahan saka naman siya biglang bumubulaga sa harap ko? Tapos laging knight in shining armor ang drama niya. It’s so good to be true. O baka naman ako lang talaga itong clumsy, tatanga-tanga, at kakambal lagi ang disgrasya at nagkataon lang na nandiyan siya para saluhin ako sa mga kamalasan ko? Guardian angel kaya? Puta, wag na nga ipilit! Kung ano mang rason ang nakatakda upang pagharapin kami lagi, sana kayanin ng puso ko.

“anong ginagawa mo dito” pagtataka kong tanong kay Russel.

“Ikaw ang dapat kong tanungin niyan, diba may work ka ngayon?”

“tinatamad kasi ako pumasok kaya eto, pakalat-kalat ako ngayon dito.”

Natawa siya sa sinabi ko. Siguro gusto niyang sabihin na literal nga akong pakalat-kalat kasi nakahandusay pa ako sa daan.

“Sure ka? Hindi ka papasok?” tanong niya sa’kin na sinagot ko naman kaagad ng isang tango.

“tara dun tayo sa park, may mga bench dun… upo tayo dun.” Paanyaya niya sa’kin.

Naging sunud-sunuran ako kay Russel. Kahit saan yata ako dalhin ng lalaking ito papayag ako. Akala ko pa nga ang sasabihin niya sayang yung kikitain ko sa gabing ito pero naalala ko hindi pala si Jhen ang kaharap ko.

“anong ginagawa mo dito?” muli kong itinanong sa kanya.

“nagpapalipas lang ng oras…”

“nagpapalipas ng oras?”


“oo, actually pauwi na rin ako kaso nakita kita, at sabi mo tinatamad kang pumasok ngayon kaya sige sasamahan muna kita…” sabay ngiti ni Russel sa akin.

Ayaw kong kiligin kaya iniba ko ang usapan.

“ang ganda pala dito noh?”

“ngayon ka lang napatambay dito?”

“Ah oo…”


Maganda talaga dun sa parke na pinuntahan namin. Maliwanag at malinis. Hindi naman siya ganun kalawakan pero sapat na para mapagtambayan ng mga tulad naming nagpapalipas ng oras. Maganda rin itong venue para makapagnilay-nilay kasi tahimik dito. Wala kang maririnig na ingay maliban na lang sa mga kuliglig at mangilan-ngilang dumadaan na sasakyan sa kalsada. Parang garden lang. Marami ring bench sa paligid. Dun kami naupo ni Russel sa bandang bungad. Isang kahoy na upuan na pang-tatluhan kung tatantiyahin.

Parang may dumaan na anghel. Mistulang nagpapakiramdaman kami habang sinasariwa ang mala-hardin na ambiance ng park. Tiningnan ko siya. Maamo kong nasilayan ang kanyang mukha.

“oh bakit?” tanong niya sa’kin.

“bakit natahimik ka?”

Nginitian niya lang ako. Isang ngiting lalong nagbigay kislap sa kanyang maamong mga mata. Hinawakan niyang bigla ang kamay ko. Bumulong sa’king kaliwang tainga, at ang sabi niya:

“Hayaan mo lang akong gawin ito sa’yo…”

Hindi ko maunawaan kung anong nangyayari. Hindi ko lubusang maisip na dinadama ko ngayon ang malambot na kamay ni Russel. Ang kanyang kamay na minsan ko nang tinanggihang kamayan nung una naming pagkikita sa memorial.

“Pero, bakit…?”

“Shhhh… wag ka na pumalag… basta hayaan mo lang ako ok?” bulong niya ulit sa’kin.

Hinayaan ko siya sa nais niyang mangyari. Muli akong nagtiwala sa kanya. Dahil alam kong hindi niya ako pababayaan. Alam kong hindi siya gagawa ng hindi ikagugusto ng puso ko. Isinandal niya ang kanyang ulo sa balikat ko. Nakiliti ako sa buhok niya na kumiskis na aking leeg.

“Para sa’yo ‘tong gagawin ko Luis…” mahiwagang dialogue na binitawan niya sa’kin.

Maya-maya lamang ay isang kotse ang pumarada malapit sa kinauupuan namin. Subalit hindi parin natinag mula sa pagkakaupo si Russel, bagkus lalo pa niya hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ko. Bigla niyang iniangat ang kanyang ulo, kasabay nun bumukas ang ilaw ng itim na kotse.

Inilihis ni Russel ang ulo ko mula sa pagkakatitig sa misteryosong sasakyan malapit sa aming harapan. Nalipat ang mata ko sa kanyang mga mata na kanina pa pala nakatitig sa akin. May gusto siyang sabihin. Nararamdaman ko yun mula sa bawat pintig ng pulso mula sa kanyang kamay. Parang gusto niyang ipahiwatig na: ‘wag akong magalala at wala akong dapat ikabahala dahil nasa tabi ko siya’. Kasunod nun biglang idinikit ni Russel ang kanyang labi sa aking pisngi. Isang wet kiss iyon na sinundan pa ng isang nakaw na halik sa labi. Isa. Dalawa. Tatlo. Segundo ba o minuto? Hindi ko alam. Basta ang alam ko nahalikan niya ako at ganun din ako. Matamis. Malambot. Makahulugan. Iyan ang deskripsyong halik mula sa kawalan.

Kung gaano kabilis ang halik ganun din kabilis ang itim na kotse na humarurot palayo sa parke. Nagbabadya na kahit ano mang oras maari itong makahagip at makasagasa ng sino mang paharang-harang sa daan.

Tiningnan ko siya muli sa kanyang mga mata. Hindi na siya makatitig sa akin ng diretso.

Kung hindi ako nagkakamali isang oras din akong nakiayon sa katahimikan ni Russel. Isang oras niyang hinawakan ang kamay ko. Isang oras sumandal sa balikat niya tulad ng ginawa niya kanina. Isang oras pero para sa’kin parang walang hanggan.

Nagyaya na siyang umuwi sa pamamagitan ng pagsenyas. Mas pinili niya na hindi magsalita. Hindi ko alam kung bakit. Siguro, hindi niya alam ang isasagot kung sakali mang magtanong ako. Pero kahit kanina pa gulong-gulo ang utak ko mas maigi na rin kung hindi ko babasagin ang misteryo ng gabing ito. Kung ano mang hiwaga ang bumalot sa amin kanina, dadating ang araw na kusa itong ipapaliwanag sa amin ng pagkakataon.

Naghiwalay kami sa isang waiting shed. Pagsakay ko ng bus pauwi ng Bacoor, saka lang siya ulit ngumiti na parang nagsasabing mag-ingat ako lagi. Tinanaw ko siya mula sa bintana ng bus, kinawayan niya ako habang may sinasabi… nabasa ko ang labi niya: “bukas…sunduin…kita…” Tanging thumbs-up na lang ang naitugon ko.

Kasabay ng pag-andar ng sinasakyan kong bus muli na namang umandar ang utak ko. Parang slide-show na nag-faflash sa isip ko ang mga pangyayari kanina. Kung ganito ba lagi ang mangyayari sa akin kapag mag-aabsent ako eh ‘di sana lagi na alang ako liliban sa trabaho.

Ay shit!!! Tangina! Hindi pala ako nakapagpaalam sa supervisor ko, lagot! AWOL (absent without leave) ang aabutin ko niyan!




Read more...

6 komento:

Celebrity Gossips September 21, 2009 at 3:04 PM  

ang galing naman ng mga kwento mo.... tsaka ung baraha..hehe ako hindi ako marunong mg baraha ei.

cedric,  October 24, 2009 at 9:29 PM  

buset... bitin na naman! hehehe.. ilang weeks o months na naman ang hihintayin ko... good job!!!

Xavier Randol November 28, 2009 at 7:53 PM  

maganda ang story kahit may namatay na character.

shanejosh March 27, 2010 at 4:41 PM  

Tol.. Please continue this story...tagal konang inaantay next chapter ng "Have you ever felt the same?"... more power at thanks a lot!

hero April 11, 2010 at 9:02 PM  

brod..i was and i am struck by heart in every chapter especially chapter 7.the scene there which i love most is when Luis and Russel seated on the benches, when Russel kissed Luis
.it was like a sparkling moment in my life to relate in my personal experience.. Good Luck Brod
i am very much excited for the next chapter..
God bless and more power!!!

sivrej,  April 23, 2010 at 2:03 AM  

please paul kian... gawin mo na ang chapter 8 at ang mga susunod na chapters...
the story was so wonderful...
mas pinipili kong mag basa ng stories mo kaysa gawin ang mga orders ko d2 sa office...


good job!

2 thumbs up!


Supports:

Community & Groups - Top Blogs Philippines


This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.
These are works of fiction. Names, characters, places and incidents are either the product of my imagination or are used fictitiously, and any resemblance to actual persons, living or dead, business establishments, events, or locales are purely coincidental. All photos are not taken by me unless otherwise noted. They all came from different sources such as Google Images and several free photo sharing websites and forums. If any particular set of photos belong to you and you wish for either credit or removal of photos E-Mail me at paul_kian@yahoo.com.

© 2008-2015 ANG MGA KWENTO NI PAULKIAN
Designed by: Ourblogtemplates.com| DISCLAIMER | e-mail/YM

My Home Page has been viewed
Web Page Counter
since June, 2008

Creative Commons License

  © Blogger templates The Professional Template by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP