Photobucket


Destiny is for losers. It's just a stupid excuse for waiting for things to happen instead of making them happen

-- Blair Warldorf, Gossip Girl

Tuesday, November 11, 2008

AKO si DESTINY (CHAPTER 15: “SIGN”)

"AKO SI DESTINY"
(a heart-warming love story)
By: PAULKIAN
http://paulkian.blogspot.com/


“I am afraid of losing my life except for my life itself because my life is you.
I am afraid I die and not to be able to be there for you.
I am afraid of with empty heart.
I am afraid of loneliness within death.
I am afraid of a God that will not give me the chance of seeing you again…”

---unknown



CHAPTER 15: “SIGN”


(“Ala-diyes ng umaga ang alis niya … block 8 lot 18 ang bahay nila. Huwag ka sana mag-dalawang isip. Itinutuwid ko na ang mga pagkakamali dati, ‘wag mo na sanang
baluktutin pa.”

Umalingawngaw sa aking gunita ang mga binitiwang salita ni Jerome. Iyon ang mga kataga ng pag-asa. Mga salitang nagpabago sa mga desisyon ko. Mga salitang naging dahilan upang muling patibukin ang kinalawang kong puso. Nasa akin naman talaga ang huling desisyon. Sarili ko rin ang makapagbibigay ligaya sa akin. Ako lang ang natatanging susi para maituwid ang baluktot na nakaraan.

Patuloy na umaalingangaw sa aking isip lahat ng kaganapan kagabi habang nagmamadali akong nag-gagayak. Paulit-ulit. Parang walang katapusan. Alas 10 ng umaga aalis si Russel. 9:00 na kaya naman kailangan ko nang magmadali.

Ang weird ng araw na ito. Parang ang dilim ng ambiance. Parang magulo. Oo alam kong makalat ang dorm ko pero bakit parang may bahid ng kalungkutan? Saan ba nagmumula ang lungkot? Tapos kakaiba pa ang dilim. Tipong napakalabo sa paningin ko. Ang dilim-dilim hindi lang sa loob ng dorm pati na rin sa labas. Parang uulan pa yata ng malakas mamaya. Sinilip ko ang kalangitan mula sa bintana. Kapansin-pansin na ang mga namuong mga nimbus clouds. Parang nakakatakot ang paparating at nagbabadyang ulan. Siguro napakalakas nun at tiyak biglang buhos ‘yan mamaya. Wala pa naman akong payong kaya kailangan kong magmadali upang hindi ako maabutan ng ulan sa daan.

Hindi ako dapat magpadala sa lungkot at takot kaya binuksan ko ang ilaw. Pundido na rin pala ang nagiisang lampshade ko sa dorm. Kaya naman napilitan akong magsindi ng kandila. Isang puting kandilang magbibigay liwanag sa kadiliman ng aking silid. Itinirik ko ang liwanag sa lamesa. Naniniwala ako na simbolo ito ng pag-asang magiging maayos na ang lahat sa pagitan namin ni Russel. Ang liwanag na magbubuklod muli sa aming dalawa upang maging maligaya, walang problema, at wagas ang nararamdaman sa isa’t-isa.

Naalala ko ang unang araw na nakarating si Russel ng dorm. Umuulan ng malakas noon. Laging parte ang ulan sa mga mahahalagang kaganapan sa buhay naming dalawa. Saglit na oras na lang at magiging saksi na naman ang ulan sa muli naming pagtatagpo. Magiging maayos na ang lahat. Alam ko pagkatapos ng ulan ay muli rin namang magliliwanag. At sa mga puntong iyon okey na kami ni Russel. Tiyak ‘yun. Sandaling oras na lang Russel, hintayin mo ako. Malapit na.

Pagkatapos kong maligo, namili ako ng isusuot na damit. Wala na akong panahong mamalantsa kaya itong itim na polo shirt na lang ang susuotin ko. At saka matagal-tagal ko na ring hindi naisusuot ‘to. Huling suot ko dito kung hindi ako nagkakamali, libing pa ni Papa ‘yun. Parang ang liit na nga sa akin eh. Tumaba yata ako.

Hinipan ko na ang apoy ng kandila. Kasabay ng paglisan ng apoy, dumagundong ng malakas. Isang kulog na nagpamadali sa akin upang lumabas na ng dorm. Iniwan ko muna ang dorm na nagkukubli sa dilim.

Grabe talaga ang dilim. Parang takip-silim na. Parang may eclipse na hindi maipaliwanag. Aligaga akong lumabas ng compound. Napansin ko ang mga kumpulan ng tao sa labas. Parang may pinagkakaguluhan. Karamihan sa kanila ay nakatingin sa akin. Parang may gustong sabihin na ewan. Ang weird talaga, o baka mga tsismosa lang talaga sila. At dahil wala akong panahon maki-usyoso, binilisan ko na ang lakad ko papunta sa terminal ng mga jeep. Ang mga tao nga naman kapag walang magawa kung sinu-sino na lang napag-tritripan.

Mabilis akong nakasakay. Parang isang kurap lang din napuno na kaagad ang sasakyan. Napansin ko na parang halos lahat ng pasahero may payong. Halatang handa na sila sa paparating na ulan. Samantalang ako walang dala kahit isang rain gear. Nainggit tuloy ako. Kapag inabutan ako ng ulan mamaya tiyak basang sisiw ang labas ko nito. Hindi bale nang mabasa, kung ang kapalit naman ay walang humpay at naguumapaw na kaligayahan kahit maligo pa ako sa ulan wala akong pakialam.

“Ma, bayad po…” winika ko habang iniaabot ang mga barya.

Parang walang naririnig ang mga tao sa loob ng jeep kaya naman inulit ko ulit ang sinabi ko.

“Bayad po isa lang…”

At talaga nga namang walang kahit isang nag-atim na kunin ang bayad ko. Hindi ko alam kung mga tamad ba at busy sa mga kakwentuhan nila o sadyang bingi lang talaga sila.

Medyo nangangawit na ako kakaabot kaya muli akong nagsalita ng malakas at sinigurado kong maririnig na nilang lahat.

“Bayad po! Pakisuyo po!”

Sa wakas! Isang batang babae ang lumingon at nagabot ng bayad ko sa driver. Nginitian pa ako ng bata. Para pa ngang pamilyar sa akin ang mukha niya. Saan ko nga ba siya nakita?

Mabilis na umarangkada ang jeep sa kalye. Malapit-lapit lang naman ang village nina Russel kaya hindi na ako nagpakakampante sa loob ng jeep dahil anytime bababa din naman ako. Inubos ko ang oras ko kakaisip kung saan ko ba nakita ang batang babaeng nag-abot ng bayad kanina.

Lihim akong napangiti nang maalala ko kung sino ang batang babae. Siya yung batang nagmamayari ng kulay pulang boomerang. Ang batang nambato nito sa akin. Oo nga siya nga ‘yun. Naalala ko na naman ang boomerang na kapag ibinato mo sa ere ay babalik din sa’yo. Sa mundong ito, kung talagang para sa’yo ang isang bagay kahit pagbalik-baliktarin man natin para sa iyo pa rin ‘yun. Babalik ‘yun. Pero kung hindi talaga para sa’yo kahit magtiyaga kang mag-antay buong buhay mo, hindi talaga mapapasa’yo.

Biglang nagkabuhol-buhol ang trapik sa daan. Nakakapagtaka kasi kanina napaka-smooth pa ng biyahe. Usad pagong na ang lahat ng sasakyan. Kung kailan ilang kanto na lang ako mula sa village saka naman nagkatrapik. Nine-thirty na, kailangan ko nang magmadali. Baka hindi ko siya maabutan. Naghintay muna ako ng ilang minuto, umaasang bibilis ang takbo ng sinasakyan kong jeep. Ngunit parang taon ang bibilangin kung hahayaan ko lang na maghintay.

Isa-isang nagbabaan ang mga pasahero. Ito ang naging hudyat ko upang bumaba na rin. Tutal naman ilang kanto na lang ang layo mula sa village kaya lalakarin ko na lang ‘to. Mabilis akong naglakad kasabay ng mga taong nagbabaan na rin sa iba’t-ibang jeepney.
Habang papalapit ng papalapit ako sa bukana ng village, napansin ko ang kumpulan ng mga tao sa gitna ng daan. Kaya naman pala nagkaroon ng traffic, may kung anong komosyon ang nagaganap dito. Bakit? May rally ba? Artista? Banggaan?

Sa wakas natunton ko na rin ang harapan ng village. Ilang minuto lang ang binuno ko. Hiningal yata ako ng masyado. Halos takbuhin ko na kasi para lang hindi makapag-aksaya ng oras. Pero hindi naman ako nakaramdam ng pagod.

“Aabot pa ako kay Russel. Saglit na lang.” bulong ko sa sarili ko.

Si Russel ang dahilan kung bakit hindi ako napapagod. Siya ang dahilan kung bakit hanggang ngayon hindi ako napapagod magmahal.

Naaliw ako sa mga taong nakikiusyoso sa gitna ng daan. Tao nga naman, likas na tsismoso. Nakakaintriga na talaga kung ano ang kaganapan dun. Parang may naaksidente yata. Parang may nasagasaan. Bigla akong kinilabutan. Napakabilis bawiin ng Diyos ang buhay. Sa sandaling ikumpas Niya lang ang kamay Niya, kahit hindi ka pa handa mawawala ka sa mundo. Kapag tapos na ang nakatakdang layunin mo, wala ng extension pa.

Nakasalubong ko ang mga babaeng nagtatakbuhan papalabas ng village. Nakakakilabot ang bawat hangos nila. May umiiyak. Meron din namang parang tuliro. Yung isa may isinisigaw. Malabo yung mga salita kaya hindi ko masyadong maintindihan. Ngunit habang papalapit na sila sa akin luminaw din ang mga salitang nais niyang pakawalan.

“Si Russel ‘yun!!! Si Russel!!!”

Napahinto ako sa aking paglalakad papasok ng village. Tama ba ang narinig ko?

Muling inulit ng babae ang isinisigaw niya:

“Si Russel ‘yun!!! Si Russel!!!”

Bumilis ang pintig ng aking puso. Sa sobrang lakas ng tibok nito halos nabingi na ang tainga ko sa paligid. Hindi ko alam kung anong puwersa ang humatak sa katawan ko upang magtungo sa kumpulan ng mga tao sa daan. Kinukutuban ako ng masama. Nakikipagsabayan ang kulog sa pabilis na pabilis na pump ng aking puso.

Sinilip ko kung ano ang mayroon. May isang lalaking nakabulagta at duguan. Hindi ko makita. Masyadong marami ang tao. Halos hindi na nga mahulugan ng karayom ang daan sa sobrang dami ng usisero. Hindi ako nagpapigil. Kailangan ko siyang makita. Nakipagsiksikan ako sa mga tao. Buti na lang nagpaubaya silang magparaan upang makapunta ako sa harapan.

At hindi ko inaasahan ang aking nakita. Nangatal ako. Nanginig ang buong katawan ko. Nanlamig ang pisngi ko.

Tumingin ako sa mga taong nakapaligid. Halos walang reaksyon ang mga mukha nila.

Hindi ko alam ang gagawin ko. Totoo ba ‘to? Bakit may mga dugo?

Muling kumulog ng malakas. Biglang pumatak ang luha mula sa aking kaliwang mata. Dahan-dahan akong lumuhod at pinakiramdaman ko ang lalaking nakahandusay sa semento. Kilala ko siya. Bakit nandito ka? Anong ginagawa mo rito?

Niyakap ko siya ng mahigpit. Halos ipininta na ang kanyang dugo sa buong katawan ko dahil sa higpit ng pagkakahagkan ko sa kanya. Hindi pupwede ‘to! Hindi ‘to totoo! Hindi nangyayari ‘to!

“RUSSSSSEEEEEELLLLL!!!!!!”







Dumagundong ang kulog. Biglang bumuhos ang malakas na ulang nagpahawi sa mga tao sa paligid namin ni Russel. Hindi ko siya iniwan sa gitna ng daan. Niyakap ko siya ng mahigpit habang nakikiayon ang langit sa bawat hagulgol ko.

“Russel, wag mo kong iiwan…bumangon ka diyan…” tanging naibulong ko sa kanya.

Ngunit hindi ko magising ang kanyang ulirat. Mas hinigpitan ko pa ang pagkakahawak sa kanyang kamay.

“Tulungan niyo kami! Tumawag kayo ng ambulansya!!!”

Parang walang naririnig ang mga tao. Mas malakas pa yata ang patak ng ulan kaysa sa sigaw ko.

“Nandito na ako Russel… wag mong ipipikit ang mata mo…”

Hinigpitan ko ang pagkakayakap ko sa kanya. Kasabay ng paparating na ambulansya, umalingawngaw ang boses ko sa daan.

“RUSSSSSEEEEEELLLLL!!!!!!”

At tuluyan na siyang bumitaw mula sa pagkakakapit. Tuluyan na niya akong iniwan.)




---itutuloy


Read more...

7 komento:

manny/09108790356,  September 4, 2009 at 2:15 PM  

ohh so sad.,,,,,,,,.

Anonymous,  March 13, 2010 at 6:44 AM  

Your idea is very good

Anonymous,  July 5, 2010 at 8:06 PM  

[i] will visit you again, thanks[/i]

boris_hunk,  July 28, 2010 at 8:10 PM  

Paul,,, halos hindi ako makagalaw sa ngyari, parang nwala ako sa ulirat, habang binabasa ko yung chapter 15, kinikilabutan ako, diba nsabi ko sayo dati hawig sa situation ko ung story na to, pero hindi ko kakanin pag ngyari sa mahal ko ung ngyari kay russel... bka mabaliw ako, pero more power, ang lupet nitong chapter 15, nkkaputol hininga... pwera biro naluha ako... ung book 2 about oulmate, alam mo bang (since book worm ako, hehehe) may nbasa akong about soulm8 kc i do believe in soulmate... if u need help about this plan, i am VERY willing to help.

ugatbayo July 28, 2010 at 8:11 PM  

hindi ba panaginip lang to? ang sad naman kainis bakit ganun, kailangan ba talaga ng ganitong scene paul?


alam mo paul habang binabasa ko sya kinakabahan din ako grabe ka ang galing, pero sad naman ako

fireheart20 July 28, 2010 at 8:11 PM  

huuhuhuh.. kakaiyak.. bakit ganito paul?

Anonymous,  November 5, 2010 at 11:49 PM  

ouch ang sakit...nung umpisa plang dama ku ng ung paghihirap ni lance dahil sa sitwasyon tapos eto..takte kahit fiction lang ito o too man ito..tagos sa puso ko ung hapdi at kirot..habang binabasa ko ung last par ng chapter 15 tumutulo luha ku.hindi q alam pero npakasakit..
huhuhu...
by ejhay


Supports:

Community & Groups - Top Blogs Philippines


This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.
These are works of fiction. Names, characters, places and incidents are either the product of my imagination or are used fictitiously, and any resemblance to actual persons, living or dead, business establishments, events, or locales are purely coincidental. All photos are not taken by me unless otherwise noted. They all came from different sources such as Google Images and several free photo sharing websites and forums. If any particular set of photos belong to you and you wish for either credit or removal of photos E-Mail me at paul_kian@yahoo.com.

© 2008-2015 ANG MGA KWENTO NI PAULKIAN
Designed by: Ourblogtemplates.com| DISCLAIMER | e-mail/YM

My Home Page has been viewed
Web Page Counter
since June, 2008

Creative Commons License

  © Blogger templates The Professional Template by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP