Photobucket


Destiny is for losers. It's just a stupid excuse for waiting for things to happen instead of making them happen

-- Blair Warldorf, Gossip Girl

Thursday, July 16, 2009

FAIRYTALE SI GAGO


FAIRYTALE SI GAGO

By: PAULKIAN
http://paulkian.blogspot.com/




Ilang taon ko ring pinaniwala ang aking sarili na matatagpuan ko ang taong makapagbibigay ng paliwanag sa’kin kung bakit ako ganito. Isang lalaking magbibigay ng sign kung bakit ako nagmamahal ng kauri ko. Sa kabila ng magulong mundo at mapanlait na lipunan, inilihis ko ang aking paniniwala at hindi ako nagpadaloy sa agos. Sa agos na alam kong hindi naman ako magiging maligaya, bagkus makakapagpalunod lang sa akin.



Sa loob ng tatlong taong paghahanap ng “prinsepe” sa sarili kong fairytale pinalakas ko ang aking loob na dadating ang takdang panahon na makikilala ko rin siya. Mula sa mga signs at panaginip na masyadong dramatic ay mayayakap ko siya. Mula sa mga gunita na parang nangyari na, makikita ko ang kanyang mukha. Umasa ako na sa bawat jeep na dadaan sa aking harapan o sa bawat taong aking makakasalubong sa daan ay siya ang sagot sa aking dasal.





“Gago ka ba Jared, hindi ‘to fairytale na laging may happily ever after. Hindi lahat ng sign na inaakala mo totoo…, Imulat mo na ang mga mata mo, ito ang realidad!”



Ginalugad ko na yata ang lalim ng gabi. Halos lahat ng party, bar, o gimik ay sinuyod ko na. Nangarap na sana ako si Cinderella na kunwari ay maiiwan ang sapatos upang isaoli ng “prinsepe” ang kapares nito. Ngunit parang wala paring “prinsepe” o maski kahit sinong step-sisters na manghahampas sa mukha ko ng sapatos.



Sinubukan kong tumanghod sa bintana. Alam kong hindi kasing haba ng buhok ni Rapunzel ang buhok ko pero nagbabaka-sakali lang naman ako na may isang kalapating papasok na may hatid ng magandang balita mula sa hari. Isang engagement. O isang pagtitipon na kung saan ipapakilala sa akin ang “prinsepe”.



Nagpanggap na rin akong si Sleeping Beauty. Umaasang may isang “prinsepe” na gigisingin ako at once upon a time bubugbugin ako ng halik sa buo kong katawan. 8, 9, 10, 11, 12… inabot na ng 12 hours ang tulog ko ngunit kahit sa panaginip hindi dumating ang inaantay ko. Minsan sinubukan ko sa power nap baka maging effective, pero bigo parin. Napaka-hopeless ko talaga.



“Gago ka ba Jared, hindi ‘to fairytale na laging may happily

ever after. Hindi lahat ng sign na inaakala mo totoo…, Imulat mo na ang mga mata mo, ito ang realidad!”



Ikinumpara ko ang aking sarili sa ibang taong hanggang sa ngayon ay puno ng ligaya sa piling ng kapwa nila. Bakit si Boy Abunda at yung jowa niya? Bakit yung kapit-bahay naming tibo sa Bulacan? Bakit sina bestfriend at yung boyfriend niyang 6 years na niyang ka-live in? Bakit unfair yata ang mundo? Bakit ako wala pa? Mainipin ba ako o inggetero lang talaga? Maraming tanong na paulit-ulit na namumutawi sa puso’t isip ko. Bitter yata ako.





Naisip ko rin ang ibang kadugo ko na hindi naging matagumpay sa pinili nilang pakikipagsapalaran. Oo, isang pakikipagsapalaran. Ang pagmamahal sa isang kapwa lalaki ay isang malaking giyera. Isang malupit na sugal na kung saan kapag natalo ka daig mo pang natalo ng $500 million. Tipong duguan ka na binabaril ka pa. Yung classmate ko nung college, si Jett yung kaibigan kong effem, si Danah yung kaibigan ko namang operada, Yung teacher ko nung high school, yung mga ex ng ex ko… Putsa! Sobrang dami kumpara sa hanggang ngayon ay maligaya. Pessimistic ba ako o yun ang totoo? Pero naniniwala pa rin ako na I will live happily ever after kasama ang aking “prinsepe”.



“Gago ka ba Jared, hindi ‘to fairytale na laging may happily ever after. Hindi lahat ng sign na inaakala mo totoo…, Imulat mo na ang mga mata mo, ito ang realidad!”



Hindi Niya ako binigo. Muling tumibok ang aking puso. Iba sa mga naunang pagtibok. Ito na yata yun. Kahit may alinlangan pa isinuko ko ang porsyento na dapat kong ibigay. Dahil sa paniniwala ko na dapat ibuhos mo ang lahat kasi minsan lang tayo nabubuhay upang magmahal. Nagtira parin naman ako ng kaunting dignidad upang makilala ko parin ang aking sarili. Ang sarili ko na masyadong nanabik sa kalinga. Sabi nga nila, hindi naman daw tanga ang taong sobra kung magmahal, mas tanga daw yung taong minamahal ng sobra pero nakukuha pang maglandi ng iba… Oh diba may sense?



Lumipas ang ilang buwan. Lumipas ang taon. Ilang awayan na rin ang nagpatibay sa dating uuga-uga naming relasyon. Marami na rin kaming problemang napatumba sa tulong siyempre naming dalawa. At dahil diyan, nagyabang na ako. Taas noo akong humarap sa lahat. Totoo lahat ng paniniwala ko. Nais kong isampal sa lahat ng nagsasabi na kapag nasa same sex relationship ka ito ay pansamantala lamang kasi hindi naman ito ideal. Mga insecure lang sila! Pero nauunawaan ko naman dahil minsan na rin akong napunta sa ganung sitwasyon. Minsan na rin akong naging insekyora.



Kilala ko ang pamilya niya. Kasundo niya ang pamilya ko. Kabisado niya ako mula ulo (mukhang paa) hanggang paa. Kilala ko rin siya, ang buong pagkatao niya at ugali. Iyon ang paniniwala ko. Binatay kong muli sa mga senyales na nakukuha ko. Pati love calendar pinagkatiwalaan ko kasi alam ko magkaugnay kaming dalawa. Kasal na nga lang ang kulang at we will live happily ever after.



“Gago ka ba Jared, hindi ‘to fairytale na laging may happily ever after. Hindi lahat ng sign na inaakala mo totoo…, Imulat mo na ang mga mata mo, ito ang realidad!”



Gumuho ang kastilyong buhangin sa aking fairytale nang sabihin niyang ikakasal na siya sa girlfriend niya. Nakalimutan ko na dalawa pala kaming “prinsesa” sa buhay niya. Isang tunay na prinsesa, at yung isa naman ay nagpapanggap lang. Parang isang suntok mula sa kamao ni Pacquiao ang nagpagising sa natutulog na si Sleeping Beauty. Sa sobrang paniniwala ko sa lahat ng mga prinsipyo at pananaw ko sa buhay, masyado akong nabulag. Hindi ko nakita na hindi ko pala siya pagmamay-ari kasi simula’t –sapol ng fairytale na ito hindi naman ako ang tunay na bida bagkus ako pa ang kerida.



Wala akong magawa kundi isaoli (hindi ang sapatos) ang korona sa tunay na “prinsesa” dahil darating ang araw isisilang niya ang magmamana sa trono ng kanyang asawa. Napakasaklap mang isipin ngunit ganun talaga ang kailangan kong gawin. Marami akong pag-aakala sa loob ng ilang taong relasyon naming dalawa. Kung totoo nga ang kasabihang: “maraming namamatay sa maling akala…” sana nga mamatay na ako ngayon.




“Gago ka ba Jared, hindi ‘to fairytale na laging may happily ever after. Hindi lahat ng sign na inaakala mo totoo…, Imulat mo na ang mga mata mo, ito ang realidad!”



Tama siya sa mga binitawan niyang salita bago niya ako tuluyang iwan. Ito ang realidad. Hindi man ako si Cinderella, o si Rapunzel, o maging ibang fairytale characters na may “happily ever after” sa katapusan. Pwede parin akong maging si Sleeping beauty. Mas nanaisin ko na lang matulog habang-buhay at pangarapin sa panaginip na kami ang magkakatuluyan hanggang wakas kaysa muling umasa at paniwalain ang sarili ko na muling dadating ang “prinsepe” na minsan kong inabangan sa bintana.




end



Read more...

5 komento:

Ming Meows July 16, 2009 at 3:53 PM  

nakakalungkot naman. mag-enjoy ka sa buhay mo kapatid. marami ka pa namng pwedeng gawin sa buhay.

Jepoy July 16, 2009 at 10:54 PM  

Sana ay matagpuan mo ang prinsipe mo. Yun lang po at salamat sa pagbisita sa blog ko..Chillax relaks relaks lang ok :-D

Sasarai May 26, 2010 at 12:13 AM  

nakakalungkot talaga pag nasa ganitong sitwasyon no? Siguro dapat din tanggapin ng lipunan na hindi lang pagkakaroon ng anak ang simbolo ng pagmamahal. T_T Pero all in all, da best ang gawa mo! ^_^

Anonymous,  January 19, 2011 at 9:37 AM  

bad3p ka paulkian. 3 hours na kong unproductive kakabasa ng blog mo.. galing..

- kokey

Anonymous,  July 13, 2011 at 3:11 AM  

ayos ka galing umaabot ng 4 na araw ako kababasa lng ng mga blog shit sarap ng buhay magbasa nakaka inlove minsan nasasaktan minsan kahit kwento lng ito mayroong katutuhanan sa realidad ng buhay nice galing papuri ko sayo sana madami pa ako mabasa heheheheh minsan nawawasak at nabubuo ang puso ko hehehehehh


Supports:

Community & Groups - Top Blogs Philippines


This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.
These are works of fiction. Names, characters, places and incidents are either the product of my imagination or are used fictitiously, and any resemblance to actual persons, living or dead, business establishments, events, or locales are purely coincidental. All photos are not taken by me unless otherwise noted. They all came from different sources such as Google Images and several free photo sharing websites and forums. If any particular set of photos belong to you and you wish for either credit or removal of photos E-Mail me at paul_kian@yahoo.com.

© 2008-2015 ANG MGA KWENTO NI PAULKIAN
Designed by: Ourblogtemplates.com| DISCLAIMER | e-mail/YM

My Home Page has been viewed
Web Page Counter
since June, 2008

Creative Commons License

  © Blogger templates The Professional Template by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP